Natapos ng contractor ng mga health center sa Ferrol, Looc, at Odiongan ang kanilang trabaho base sa program of works na ginawa ng Department of Health – MIMAROPA, ayon sa kanilang Romblon based engineer.
Ayon kay Engr. Lovelee Miñano, monitoring personnel ng DOH-MIMAROPA sa Romblon, nakompleto ng LDV Construction, contractor ng mga nabanggit na health center, ang dapat nilang magawa sa phase 1 ng mga nabanggit na projects. (Related Story: Municipal Council to investigate 5-million worth DOH Project in Odiongan)
“Hanggang ganun lang talaga. May pinakita kami sa LGU na program of works, tapos ipinaliwanag namin sa kanila kung ano yung magiging scope of work ng contractor, tapos sinabi rin namin sa kanila na by phase ang pagpapatayo niyan,”
Noon kasi umano ay hindi naipaliwanag sa LGU na by phase umano ang sistema ng pagpapatayo ng mga nabanggit na health centers na aabot umano sa halos P20-million ang kabuoan ng mga building.
Sa ngayon, sinisimulan na umano ang phase 2 ng mga proyekto na pinondohan ng Department of Health – MIMAROPA mula sa kanilang Health Facilities Enhancement Program (HFEP), katulad sa bayan ng Ferrol na napondohan ang phase 2 ng proyekto ng aabot sa mahigit P4.3 million.
January 28 nang magsimula ang Nolan Construction na gawin ang phase 2 ng proyekto, at inaasahang matatapos sa loob ng apat na buwan.
Sinabi rin ni Miñano na nagsimula nang magsagawa ng bidding ang DOH-MIMAROPA at LGU Odiongan para masimulan ang phase 2 ng health center sa mga bayan ng Looc at Odiongan.