Siyam na sakay ng isang bangka ang nailigtas ng mga rescuers matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa dagat na bahagi ng Barangay Lonos at Logbon sa Romblon, Romblon nitong hapon ng Sabado, February 02.
Ayon kay Police Senior Inspector Lendilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, hinampas ng malalaking alon ang bangka nilang may pangalang ‘Donz’ na sinasakyan ng siyam na katao dahilan para bumaliktad ito, maswerte namang dumaan ang isang police officer at napansin na bumaliktad ang bangka kaya nakahingi agad ito ng tulong sa mga residente malapit sa pinangyarihan ng aksidente at sa otoridad.
Nasagip ng PNP Maritime at ng Philippine Coast Guard ang 7 na pasahero habang ang 2 sakay ay nailigtas rin ng mga dumadaang bangka.
Kinilala ang mga nailigtas na pasahero na sina Vicente Tobias, 37, boat captain; Jonel Montana, 24; John Lemuel Lasat, 18; Kavin Demacusa, 22; Eric Fallarcuna, 34; Ronnie Mingo, 42; Randy Mingo, 20; at Marvin Gan, pawang mga residente ng Poblacion II, Romblon, Romblon.
Dinala na ang mga nailigtas na pasahero sa opisina ng Coast Guard Station – Romblon para sa documentation.