Tiklo sa anti-illegal drug buy-bust operation ng mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station ang isang security guard na di umano’y nagbebenta ng iligal na droga sa lugar.
Kinilala ang suspek na si Ronald Rutor Mangarin, 39, residente ng nasabing bayan.
Ayon kay Police Inspector Kim Badillo, hepe ng San Fernando Municipal Police Station, nagsagawa sila ng anti-illegal drug buy-bust operation laban sa suspek sa Brgy. Azagra matapos mamonitor ng kapulisan na nagbebenta umano ito ng iligal na shabu.
Bandang 4:15 ng madaling araw kanina ng ikasa ang operasyon laban sa suspek kung saan positibo umano siyang nabilhan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P500 kaya inaresto siya ng mga otoridad.
Nakuha rin sa suspek ang dalawa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu matapos magsagawa ng body search sa kanya.
Dinala na sa San Fernando Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Wala pang pahayag si Mangarin.