Pormal nang nagbukas ang sangay ng Land Bank of the Philippines (LBP) sa kabisera ng Romblon bilang tugon sa matagal nang kahilingan ng mga mamamayan dito hinggil sa serbisyo ng nasabing bangko.
Ang LBP ay handa nang maglingkod sa mga iba’t-ibang sektor sa kabisera ng lalawigan, mula sa mga magsasaka hanggang sa mga negosyante at ito’y magbibigay rin ng mga paglilingkod bilang isang regular na bangkong panglahatan.
Noong Pebrero 2018 naanyayahan ng Sangguniang Panlalawigan si Gng. Hedy Gabutero, branch manager ng LBP – Odiongan, kung saan hiniling ng pamahalaang panlalawigan na palawakin ang kanilang banking operations sa Romblon sa pamamagitan ng pagdagdag o paglalagay ng sangay sa kabisera.
Layunin din ng paglalagay ng LBP branch sa Romblon na mailapit ang serbisyo sa mga residente dito at maging sa mga taga-Sibuyan island partikular sa mga kawani ng pamahalaan na sa automated teller machine (ATM) ang sistema ng pagtanggap ng sweldo.
Kaya tugon ito sa matagal nang hiling ng mga empleyado ng gobyerno partikular ang mga guro, pulis, fireman, jail officer, coast guard at iba pa, dahil sa nagtitiis sila sa mahabang pila tuwing araw ng sweldo na kung magkaminsan pa ay offline at nauubusan ng pera ang mga ATM dito.
Tiniyak ng pamunuan ng LBP Romblon na mabibigyan na nila ng mas madaling banking access ang mga taga-Romblon gayundin ang mga karatig-bayan nito sapagkat bukas na at nakahanda ang kanilang dalawang ATM na maghandog ng serbisyo sa kanilang mga kliyente.
Ang naturang sangay ng LBP sa Romblon ay matatagpuan sa dating multi-purpose building ng kapitolyo sa Magsaysay Park, Brgy. Capaclan, Romblon, Romblon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)