Nagiging mainit ang usapan tungkol sa nababalam na pagpasa ng 2019 Annual Budget ng Munisipyo ng Odiongan dahil hindi pa naipapasa ang ibang elemento na integral part nito katulad ng Annual Investment Plan (AIP), o ang 20% Development Fund. Ayon sa mga nababasa kong mga pananaw ng mga netizens, tila baga lumalabas na hinaharang ang pagpasa nito ng ilang myembro ng Sangguniang Bayan (SB) at hinahaluan lamang umano ng pulitika. Ang depensa naman ng mga nasabing SB members, hindi totoo ang mga paratang, dahil sadya umanong huli na ang pagkakasumite ng nasabing AIP at kinakailangan din pa nila itong busisiin bago aprobahan.
As to the timing, huli na nga dahil kung masusunod lamang ang itinatakda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 7160 or the Local Government Code of 1991, dapat ay maisumite na ng Local Chief Executive (LCE) ang panukalang pundo nang hindi lalagpas sa 16th October ng kasalukuyang fiscal year, dahil kung hindi maisumite ang budget sa takdang panahon ay maaari itong humantong sa kaukulang administrative o criminal penalties alinsunod sa itinatakda nitong batas at iba pang umiiral na batas.
Kapag hindi mapagtibay ang annual budget sa takdang panahon, ay mayroon pa namang 90 days upang pagtibayin ito, in parallel ang dating budget muna ang syang susundin, pero kapag lumipas na ang 90 days at hindi pa rin napapagtibay ang annual budget e, tuluyan na ngang ang dating budget ang syang pagiiralin sa buong fiscal year. Ito ýung ayaw nating mangyari dahil tayong mga constituents ng Odiongan ang talo rito. Bakit kamo? Dahil tiyak na hindi sasapat ang lumang budget para sa mga bagong programa ng Munisipyo, samakatuwid e wala halos magiging bagong programa at proyekto ang Munisipyo para sa taong ito, o kaya ay mas marami pang mga progyekto ang mababalam o hindi kaagad masisimulan. E regardless kung ano ang political inclination mo bilang Odionganon apektado ka nito.
Things Get Complicated
Tila nagsimula ang gusot nang ipagpaliban muna ng SB noong 20th December 2018, ang pagpasa sa AIP na aprubado na ng Municipal Development Council (MDC) dahil umano sa may mga kwestiyon sila rito at may mga nais na isaalang-alang. (Read related article here). Nagkaroon pa nga ng balasahan ng mga komite sa SB, nagdaos ng committee hearing noong 3rd January 2019 ang Committee on Appropriation at pinagpaliwanag ang mga myembro ng MDC (Read related article here). Kaso, hindi pa rin nagkasundo ang dalawang panig. Nagpasa ng Resolution ang SB na ibalik sa MDC ang AIP, subalit vetoed naman ito ng Mayor (Read related article here). Lalo ata naging kumplikado ang mga pangyayari dahil sinasabi nitong ilang mga SB members na walang legal na basehan umano ang Mayor sa ginawang pag-veto nito sa nasabing resolution. Ayoko munang pag-usapan ito, kundi tututok lamang ako sa aspeto ng nasabing plano; ang pagbabalik ng SB nito sa MDC na may kalakip na rekomendasyon; paano kung hindi rin naman sundin ng MDC ang rekomendasyon ng SB, at ibalik lamang ito sa SB nang walang binago; ano ang susunod na hakbang ng SB at magiging epekto nito sa budget ng Munisipyo.
MDC at ang Mandato nito
Ang pagbuo ng local development council ay itinaktada alinsunod sa Section 106 ng RA 7160. Ang kanilang mandato, alinsunod sa Section 109 (a) ay ang mga sumusundo: (1) Formulate long-term, medium-term, and annual socio-economic development plans and policies; (2) Formulate the medium-term and annual public investment programs; (3) Appraise and prioritize socio-economic development programs and projects; (4) Formulate local investment incentives to promote the inflow and direction of private investment capital; (5) Coordinate, monitor, and evaluate the implementation of development programs and projects; and (6) Perform such other functions as may be provided by law or component authority.
Maliwanag ito na ang MDC ang syang may mandato na mag balangkas ng mga nabanggit na plano at mag-evaluate and prioritize ng mga socio-economic development programs and projects. Samakatuwid, ang magsasabi kung ano ang mga priority projects and programs ng Munisipyo ay walang iba kundi ang MDC.
Ano ang papel ng SB sa AIP ng MDC?
While ang pagbalangkas ng AIP ay pangunahing tungkulin at mandato ng MDC, ang pagsumite nito sa SB para sa kanilang kaukulang aksiyon at pagtibay ay kailangan at nararapat alinsunod sa itinatakda ng Section 109 (a) na may kaugnayan sa Section 114 (a) ng RA 7160. Bagamat may awtoridad ang SB na pagtibayin ang binalangkas na AIP ng MDC, ang hakbang ng SB ay limitado lamang sa kanilang legislative authority na pagtibayin ang kaugnay na ordinansa para bigyan ng íka nga e legislative authorization ang nasabing appropration (appropration ordinance). Pero walang awtoridad ang SB na baguhin o e revise ang nasabing AIP, although pwede naman mag raise ng mga questions and clarifications ang SB sa proseso ng pagpapatibay nito katulad halimbawa during committee hearings. Malinaw itong ipinaliwanag sa DILG Opinion No. 22, s. 2007, sa halos magkatulad na kaso na nangyari sa bayan ng Infanta, Panggasinan.
Kung ating babalikan, nagpatawag na ng committee hearing ang Committee on Appropriation ng SB na dinaluhan ng mga myembro ng MDC. Nagkaroon ng mga pagpapaliwanagan na rin naman. Inusisa at nagtanong ang mga SB members, na sinagot naman at klinaro ng mga myembro ng MDC. Maaaring hindi pa rin kuntento ang SB member (majority of them), kung kaya’t nagpasa pa ito ng Resolution na ibinibalik sa MDC ang nasabing AIP na may kalakip na rekomendasyong – ang bottomline ay, babaguhin o rerebisahin ang nasabing AIP.
Maaari nga bang ibalik ng SB sa MDC ang AIP?
Naniniwala akong, Yes, pwede. Maaari pong ibalik. However and again, ang pagbabalik dapat nito sa MDC ay hindi upang baguhin, alinsunod nga sa limitasyon ng kapangyarihan ng SB kaugnay rito, kundi ayon sa proseso lamang ng kanilang paguusisa at klaripikasyon. Kung ang pagbabalik ng AIP sa MDC ay may kalakip na rekomendasyon na in effect ay magreresulta sa pagbabago o revision ng AIP, e this tantamounts to an act of revision super-imposed by the SB, in which case hindi pinapahintulutan ng batas.
Okey, sabihin nating nandiyan na yan, ibinalik sa MDC, pero dahil limitado ang SB sa pag rebisa ng AIP, that gives MDC the independence to decide whether or not, sundin nila ang rekomendasyon ng SB o dedmahin lang at ibabalik din lang ng MDC sa SB ang AIP nang walang anumang ginawang pagbabago o rebisyon. So ano ang mangyayari na ngayon? Magpapatigasan na lang sila? Stand-off? Stalemate kung sa larong chess? Abah, constrained na tayo sa panahon. Kapag ganito ang mangyayari e, tuluyan na nga na ang dating budget (2018) na lang ang paiiralin and again, tayong mga residente ng Odiongan ang apektado diyan.
Ang SB ay hindi tiga-plano ng Munisipyo
Maliwanag naman sa mandato ng MDC at SB kung sino ba sa kanilang dalawa ang nagpaplano para sa Munisipyo – ito ang MDC at hindi ang SB, bagamat may mahalagang papel ang SB sa plano, dahil sila ang nagpapagtibay nito. Planning is a process, alam natin ito. Naniniwala ako na bago pa man humantong sa final at aprobado ng MDC ang AIP ay dumaan ito sa mahabang proseso ng pagpaplano at pagpupundo. Isa pa, ang MDC ay binubuo ng multi-sectoral representatives, kasama ang mga punong-barangay. Samakatuwid, ang nabuong plano ng MDC ay collaborative and consulted ideas and priorities ng mga iba’t ibang sektor and constituents. Kung ano ang mga list of priority projects na natukoy ng MDC, ito ay kumakatawan sa pangangailangan ng mga kumakatawang mga sektor.
Obviously, ang pagbabalik ng SB ng AIP sa MDC with recommendations pointing to certain new items halimbawa ay tubig, etc. na isaalang-alang na isama sa mga priorities, ito para sa akin ay lampas sa proseso ng planning. See, paano nasabi ng SB na ang priority ay tubig o health? Nagkaroon ba ang SB ng needs analysis workshop for this? Ilang household ba ang makikinabang, mayroon ba silang data nito? Totoo ba na ang mga ito e pangangailangan ng nakararami sa mga nasabing barangay, gayong bakit hindi ito ang nirekomenda ng kapitan ng nasabing barangay na myembro rin ng MDC noon pa lang na nasa proseso ng pagbubuo ng AIP?
Samaktuwid baga e, let MDC do their job, let SB do their job. Siguro kung ang tinutukoy sa mga puna at paglilinaw ng SB sa nasabing AIP ay dahil ito ay hindi legal na ginawa, ang appropriation ay italiwas sa itinatakda ng batas, o kaya ay may kaakibat itong panganib o napakataas na risgo sa pananalapi ng bayan pero dapat ay kongkreto ang substantiation ng SB upang depensahan ang kanilang claim na ito, naniniwala ako na valid ito at kahit pa hindi na ma-approve ang AIP kung ganito lang naman mangyayari. Pero kung hindi naman suportado ng solid na dokyumento, data at let’s say analysis ng mga eksperto sa usapin, kundi nakatuon lang sa mga additional priorities na sa tingin ng SB members e dapat isama sa AIP, ito po ay mababaw na dahilan dahil ika nga, mas alam ng MDC kung ano ang priorities dahil dumaan sila sa proseso ng pagpaplano.
Buying Time Lamang
Base sa ulat ng Romblon News Network at sa mga post ng ilan sa mga SB member na nababasa ko rin, lumalabas na aminado naman sila na wala nga silang kapangyarihang baguhin ang AIP, at ang sa kanila lamang ay rekomendasyon na kung hindi rin naman umano isasaalang-alang ng MDC ay OK lang, wala na silang magagawa.
Tama nga naman din sila. Eh, yun naman pala, why wait? why buy time? Bakit kelangan pang ibalik at ipa reconvene ang MDC? Eh di ba nga nagkaroon na rin ng Committee Hearing na ang purpose ay magkaroon ng paglilinaw? Okey, sige ibalik sa MDC at ibalik din lang nila sa SB únchanged’. So Okey na, pagtitibayin na? ‘Wag lang sanang humaba ng humaba ang usapin ‘dyan hanggang sa tuluyan ng re-enacted budget na lamang ang paiiralin.
Komplikasyon at Huling Hantungan
Ngayon, as in complicated na ang issue, kasi ang resolution ng SB na ibinabalik sa MDC ang nasabing AIP e, vetoed ng Mayor, at kinakailangan ng SB ng 2/3 vote kung sakaling e override nila ang pag-veto ng Mayor. Six SB members itong mga bumuto na ibalik o e deffer ang approval ng AIP, so tila hindi nila makukuha ang 2/3 if gusto nila e override ang pagveto ng Mayor. However, maaari nga namang kwestyunin din nitong mga SB ang legalidad ng pagveto ng Mayor, na i think ito nga ang kanilang direksyon sa ngayon. Ah, ayoko pag-usapan yan, later na lang dahil hindi ako interesado dyan. Ang interes ko ay ang maipasa ang bagong budget ng Munisipyo.
Dalawang bagay lang ang maaaring mangyari dyan. Mag reconvene man o hindi ang MDC, ang tanong babaguhin ba nila ang AIP o hindi? Kung babaguhin at ibalik sa SB, na ayon sa SB ipapasa na nila. Paano kung hindi baguhin at ibalik lang sa SB? Sabi din ng ilang SB members e wala silang magagawa – na ano? Hindi ipapasa ang budget o ipapasa pa rin?
Kung ako ay tiga plano, mas paniniwalaan ko ang plano ko na dumaan sa proseso kesa sa rekomendasyon o suhestiyon na hindi naman dumaan sa proseso ng pagpaplano. What I am trying to point-out here, most-likely hindi babaguhin ng MDC ang kanilang AIP, regardless kung magre-convene sila o hindi.
Sino ang sisihin?
At dahil ang bola e nasa SB, kapag hindi naipasa ang 2019 annual budget ng Munisipyo at maapektuhan ang mga programa, proyekto at serbisyo nito sa mga taumbayan, sino kaya ang sisihin ng mga Odiongaonons, regardless ng kanilang political inclination? Hindi kaya itong mga SB members na kontra sa nasabing pagpasa ng AIP? Katulad ni Secretary Diokno ng DOF, sinisisi ang Kongreso sa pagkakabalam ng 2019 annual budget ng gobyerno.
Ang huling hantungan pa rin nyan e approval. So ngayong susunod na session ng SB e, sige push nyo na yan once and for all, ipasa nyo na po yan.