Kinumpirma ng datus ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang ulat na nakaalis na ang lalawigan ng Romblon sa Top 20 poorest provinces sa Pilpinas.
Base sa ginawang Annual Poverty Indicators Survey ng PSA noong 2015, ang Romblon ay #25 sa pinakamahirap sa 81 na probinsya sa buong Pilipinas. Nakapagtala ang Romblon base sa survey ng PSA ng 36.6% sa Poverty Incidence on Population; at 28.1 % sa Poverty Incidence on Families.
Pasok naman sa top 20 poorest provinces ng Pilipinas ang Occidental Mindoro na kasama ng Romblon sa rehiyon ng MIMAROPA (MIndoro, Marinduque, Romblon, at Palawan). Nakapagtala sila ng 41.2 % sa Poverty Incidence on Population; at 30.0 % sa Poverty Incidence on Families
Ito rin ang binasehan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) para maging priority ang Romblon at Occidental Mindoro sa kanilang programang Sambayanihan Serbisyong Sambayanan, isang malalaking aktibidad ng NAPC sa ilalim ng liderato ni Sec. Noel K. Felongco.
Ayon kay Sec. Felongco, bahagi ng mandato ng ahensiya ang tiyakin na naaabot mula sa mga pinakamahihirap na mamamayan hanggang sa mga pinakamalalayong komunidad ang mga serbisyo at proyekto ng gobyerno.
Giit ng kalihim, ang “Sambayanihan Serbisyong Sambayanan” ay pagbibigay-diin din sa kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat ng sektor ng lipunan, sa loob o labas man ng gobyerno. Kaya naman, isa sa mga layunin ng programang ito ang wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagkakamit sa 10 batayang pangangailangan ng bawat mamamayan, ani pa ng bagong Lead Convenor.
Sinabi ng NAPC na mag-iikot sila sa Pilipinas at priority nila ang mga probinsya na nasa 40 poorest provinces sa bansa, kasama na ang Romblon at Occidental Mindoro.