Patay matapos mawalan ng kontrol at sumalpok sa isang poste ng kuryente ang minamanehong motorsiklo ni Gaspar Gallos Antonio, 60, officer in charge (OIC) ng Civil Aviation Authority of the Philippines’ Romblon Airport bandang 2:50 ng madaling araw nitong Miyerkules, January 23.
Ayon kay PO3 Junar Gabilo, imbestigador ng Alcantara Municipal Police Station, patungo umano sana si Antonio sa Romblon Airport sa Barangay Tugdan para doon matulog nang mangyari ang aksidente sa Barangay San Roque sa bayan ng Alcantara, Romblon.
“Tumawag sa amin yung barangay captain ng San Roque, at pag responde namin doon na nga namin nalaman na yung naaksidente pala ay si Gaspar Gallos Antonio, OIC ng Romblon Airport,” pahayag ni PO3 Gabilo ng makausap ng Romblon News Network.
Sinabi ni Gabilo na self-accident ang nangyari dahil wala naman umano silang nakitang foul play sa lugar.
Sa spot report naman na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, sinabing naisugod pa sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa katabing bayan ng Looc si Antonio ngunit binawian rin ng buhay kinalaunan dahil umano sa natamong head injury.