Nilinaw ni Romblon Congressman Emmanuel Madrona na ang naidagdag sa kanyang pondo ng opisina ni Budget Sec. Benjamin Diokno ay mapupunta sa mga proyekto ng mga national agencies sa lalawigan kagaya ng mga national roads, farm to market roads, at evacuation centers sa mga Barangay.
Sa panayam ng Romblon News Network ni kay Madrona, sinabi nitong tama ang ibinalita ng Abante na P4.7 bilyong dagdag budget ang dapat ‘sana’ mapupunta sa Romblon kung hindi lang ito naharang at nagkaroon ng problema sa mga mambabatas.
“Yung mga karagdagang pondo na yun ay yun yung mga request namin sa time ni Speaker Alvarez, at yun na nga, napagbigyan. Actually, malaking tulong sana yun sa Romblon,” ayon kay Congressman Madrona.
Sinabi rin nito na hindi na aabot sa P6.770 bilyon ang budget sa Romblon kundi nabawasan at may kabuoan nalang itong mahigit 3 bilyon pesos.
“Hindi na siya kasama pero may natira rin, yun yung mga importante at ipinaglaban ko talaga para sa probinsya ng Romblon. Isa rito yung tuloy-tuloy na pagsemento sa mga national roads, mga slope protection, at mga kalsada patungong tourist spots,” dagdag ni Madrona.
“Meron tayong budget para sa circumferencial road ng Sibuyan, San Jose, at Tablas, kalsada papuntang Tablas Point sa Santa Fe, at kaslada papuntang Garing Falls sa Odiongan,” pahayag pa ni Madrona.
Ipinaliwanag rin nito na ang mga national agencies ang nagsusumite ng mga proposals sa opisina ng Congressman at siya lang ang nagpapaabot para mabigyan ng kaukulang pondo sa 2019 national budget.
Dahil ngayon umano ay nasa bicameral committee na ang kamara at senado, sinabi ni Madrona na sana ay makahingi pa siya ng dagdag pondo pa para sa lalawigan kagaya ng mga hiling ng mga barangay na covered court.
Related Story: Cong. Madrona, kumabig ng ₱4.7B pork ayon kay Rep. Andaya