Binalaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Romblon ang publiko laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa implementasyon ng Philippine Identification System Act (PhilSys Act) na mas kilala bilang National ID System.
Sinabi ni Engr. Johnny F. Solis, Supervising Statistical Specialist ng PSA – Romblon na wala pang instruksiyon sa kanila kung kailan magsisimula ang pagpaparehistro at ang PSA lang aniya ang naatasang magsagawa ng registration ng National ID at hindi ang sinumang kompanya o private entity.
Maaari aniyang simulan ito ng kanilang ahensiya pagkatapos ng mid-term elections ngayong taon dahil kanilang pinaghahandaan ang posibilidad ng pagbili ng kagamitan gaya ng printer sa paggawa ng ID at pag-hire ng karagdagang tauhan upang maipatupad ito ng maayos.
Sa ilalim ng Republic Act 11055 o Philippine Identification System Act (PhilSys Act) ay hindi pa nagsisimula ng registration para sa application ng ID kung saan batay sa naturang batas, isang ID na lamang ang dapat ipakita at hindi na kailangan ng napakaraming ID kapag may transaksiyon sa gobyerno.
Aniya mas makabubuting hintayin na lang ang instruction ng PSA hinggil dito at huwag basta maniniwala sa mga kumakalat na impormasyon lalo na sa social media.
Ginawa ang pahayag na ito ng PSA sa gitna na rin ng mga naglalabasang advertisement lalo na sa social media na nagsasabing nagsimula na ang pagpaparehistro.
Kaya naman pinag-iingat ng PSA ang publiko sa mga tao o ahensiya na magpapanggap na otorisado sila para sa registration at mangongolekta ng bayad dahil ang mga ito raw ay hindi konektado sa PSA.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)