Kasalukuyang tumatakbo ang probinsya ng Romblon sa ilalim ng reenacted budget sa kadahilanang hindi parin naipapasa sa Sangguniang Panlalawigan ang 2019 budget ng probinsya na ipinasa ni Romblon Governor Eduardo Firmalo.
Ayon sa text message ni Vice Governor Jose Riano sa Romblon News Network, hindi pa naipapasa ang 2019 budget dahil hindi pa nakakapag-convene ang Provincial Development Council (PDC) para pagusapan ang Annual Investment Program (AIP) ng probinsya para sa 2019.
“Kailangan pa ni Gov mag PDC para sa AIP at pagkatapos [nito] ay makapag committee hearing na si SP Fred [Dorado],” bahagi ng text message ng bise gobernador.
Matatandaang noong nakaraang taon ay isa lamang ang naganap na PDC Council Meeting matapos i-void ng konseho ang minutes ng PDC Council Meeting noong Hunyo 2018 dahil sa kakulangan umano ng quorum.
Sinabi naman ni Governor Firmalo na posibleng magsagawa ng PDC Meeting ngayong semana sa bayan ng Romblon, Romblon para pag-usapan ang minutes ng nakaraang PDC Meeting na naganap noong October 2018 at ang 2019 Annual Investment Program (AIP).
Sa ilalim ng reenacted budget, hindi pwedeng pondahan ng provincial government ang mga panukalang proyekto at programa para sa taong 2019, dahil ang 2018 outlay ang gagamitin ng probinsya.