Hinikayat ng bagong gobernador ng Marinduque na si Romulo Bacarro Jr. ang mga opisyales at kawani ng pamahalaang panlalawigan na suportahan ang nalalabing buwan ng kanyang panunungkulan para sa kapakanan ng lalawigan.
Ito ang pangunahing mensahe ni Bacarro matapos niyang tanggapin nitong Martes ang mga responsibilidad ng pagkagobernado ng lalawigan kasunod ng pagpanaw ni gobernadora Carmencita Reyes.
Dumalo sa turn-over ceremony si Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco na siya mismong nangasiwa ng panunumpa ni Bacarro.
Matatandaang namatay si Reyes sa edad na 87 taong gulang nitong Lunes.
Noong 1971, si Reyes ay naging delegado ng Constitutional Convention, naging assemblywoman para sa Region IV sa Interim Batasan Pambansa noong 1978-1984 at miyembro ng Batasang Pambansa noong 1984-1986.
Dalawang beses naging kinatawan ng Marinduque si Reyes sa kongreso noong 1987-1998 at 2007-2010.
Hinawakan niya ang pagkagobernador ng lalawigan noong 1998-2007 at 2010 hanggan sa kanyang pagpanaw nitong Lunes.
Nakaburol ang gobernadora sa Heritage Park, Taguig City hanggan Miyerkules ng gabi, ika-9 ng Enero.
Iuuwi sa Marinduque ang labi ni Reyes sa Huwebes, ika-10 ng Enero para makita ng kanyang mga kababayan sa huling pagkakataon.
Sa halip na magpadala ng bulalak, hiniling ng mga naulila ni Reyes sa mga nakikiramay na kung maari ay maglaan na lamang ng donasyon sa Monastery of St. Clare, Bantad, sa bayan ng Boac. (Lyndon Plantilla/PIA)