Mahigit sa 300 tourist na sakay ng cruise ship na MS Silver Shadow ng Silversea Cruises ang bumisita ng Romblon Island nitong Martes, January 29.
Ito ang unang cruise ship na bumisita sa lalawigan ng Romblon ngayong taon ayon sa pamunuan ng Provincial Tourism Office.
Sinabi ni Kim Anthony Faderon, Provincial Tourism Officer ng Romblon, na regular schedule na ng MS Silver Shadow sa lahat ng kanilang ASIAN cruise na dadaan sila ng lalawigan ng Romblon simula pa noong nakaraang taon.
Ang mga turistang dayuhan ay nagtungo sa mga white beaches ng Romblon, nag-island hopping, nagtungo sa mga pagawaan ng marmol, namili ng mga marble souvenirs o novelty items at namasyal sa mga makasaysayang lugar sa nabanggit na bayan.
Kagaya sa mga sakay ng MS Silver Shadow noong nakaraang taon, naging mainit rin ang pagtanggap sa kanila ng mga Romblomanon kung kaya’t labis na nagpasalamat ang pamunuan ng MS Silver Shadow sa lokal na pamahalaan ng Romblon dahil sa maayos na koordinasyon at magandang pakikitungo ng mga tao dito sa kanilang mga pasaherong turista at mga tripulante.
Sinabi pa ni Faderon na may mga cruise ship pa na nakatakdang bumisita ng Romblon sa mga susunod na buwan. Malaking bagay umano ito lalo pagdating sa tourism, at ekonomiya ng probinsya.