Hindi parin naaprubahan ang 2019 Annual Investment Program ng probinsya nitong Huwebes, January 24, dahil parin sa kawalan ng quorum sa ginanap na Provincial Development Council Meeting sa Odiongan, Romblon.
Ika-tatlong subok na itong ginanap nitong January 24 na Provincial Development Council Meeting upang magka-quorum ngunit katulad ng naganap noong January 11, at 17, ay wala paring nabuong quorum dahil sa hindi nakakadalong mga alkalde ng bawat bayan.
Tanging sina Mayor Samson ng San Jose, Mayor Visca ng Santa Fe, Mayor Babera ng Calatrava, Mayor Gadon ng San Andres at representative ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan ang nakadalo dagdag pa rito ang ang tatlong representative ng Non-Governmental Organisation na miyembro rin ng PDC.
Agad na winakasan ang pagpupulong ni Romblon Governor Eduardo Firmalo, Chairman ng Provincial Development Council matapos ma determina na walang quorum.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga pinuno ng iba’t ibang National Government Agency na dumalo sana sa meeting bilang panauhin.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) – Romblon Provincial Director German Yap, nakakadismaya umano ang ganitong pangyayari na itong mga pinuno ng National Government Agency na bisita lang umano ay nakakadalo ngunit itong mga alkalde ay hindi.
Sinabi ni PD Yap na pwedeng masampahan ng kasong negligence of duty ang mga alkalde na ilang beses ng hindi nakakadalo sa mahalagang pagpupulong kagaya nitong sa Provincial Development Council Meeting.
Ayon sa Secretariat ng Provincial Development Council, ilan sa mga alkalde ay nagpahayag umano na hindi makakadalo dahil may prior commitment ulit habang uba umanong mga mayor ay walang ibinagay na rason kung bakit hindi makakadalo/nakadalo.
Muling ni-reschedule ang Provincial Development Council Meeting sa susunod na Biyernes., February 01.