Sa tuwing pasapit ang eleksiyon, lagi kong naaalala ang isang kwento ng aking barkada sa Odiongan. Ganito ang takbo ng kwento.
Sa isang house-to-house campgain:
Candidate A. Manong, ako ang inyong iboto, heto ang 500 pesos oh.
Manong: (Matapos tanggapin ang pera) OK, sure Assemblyman, ikaw na ang iboboto namin, buong pamilya.
Makalipas ang halos isang oras ay dumating ang kalabang kandidato.
Candidate B: Manong, ako ang iboto nyo ha.
Manong: E, sir, hindi pwede, kasi nabigyan na kami ng 500 pesos in Assemblyman e.
Candidate B: Ha? magkano binigay sa inyo?
Manong: e 500 pesos po. Heto o?
Candiate B: Naka!! 500 pesos lang pala!! Akin na yang 500 pesos mo, eto ang 1,000 pesos o, ako ang iboto nyo ha?
Manong: (Nakangiti na tila nasiyahan) Ah, syempre boss, e mas malaki bigay nyo po. Sigurado na kayo, kayo ang aming iboboto.
Bagamat ‘ika nga e kwentong barbero, pero mukhang malapit sa katotohanan itong kwento. Dahil sa tuwing eleksiyon ay kanya-kanyang gulangan ang mga kandidato.
Meron dayaan, merong laglagan, bilihan ng boto, gapang-gapangan, pangako dito, pangako doon, halos lahat na nga ata ng may lamay napuntahan na, laging nakangito kahit pa wala ng tao, at aba, marami ng kilala kahit sinong masalubong e tinatapik, may payakap-yakap pa. Hmmm, e ganun lang talaga mga kabayan, naninibago pa ba kayo?
Pagkatapos ng eleksiyon, ayon halos hindi na mahagilap. Then maglalabsan na ang mga baho. Tapos ang mga botante naman magrereklamo, e bakit kasi ibinoto?
Halos ganyan ang takbo ng estorya, kapag ang pinag-usapan ay pulitika. Paulit-ulit na estorya. E bakit nga ba paulit-ulit? Kasi paulit-ulit din lang naman ang pag-uugali ng mga botante pagdating sa pagpili ng mga kandidatong iboboto.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga halal na opisyal sa pag-unlad ng lalawigan o ng mga bayan, mga opisyal na botante ang nagluluklok. Ang ibig sabihin ay, ‘nasa mga botante nakasalalay ang pag-unlad at pagsulong ng lalawigan o ng bayan.
Kaya ngayong May 13, 2019 eleksiyon mga kababyan, piliin natin na iboto ang mga kandidatong nararapat na mahalal.