Dinagsa ng mga deboto at mga bisita mula sa iba’t ibang lugar nitong Sabado, January 12, ang Biniray Festival 2019 na isa sa mga highlights tuwing kapistahan ni Señor Sto. Niño de Romblon sa Romblon, Romblon.
Sa ginanap na civic parade at street dance competition nitong umaga, ibinida ng mga mananayaw na may mga makukulay na suot ang kanilang mga makabagong koreograpia ng sayaw sa himig na ginagawa ng mga magagaling na drummers.
Hindi nagpapigil sa ambon ang mga sumali sa civic parade at street dance competition, tulay parin sila sa pagpapakita ng kanilang mga performance na may temang katutubo, etniko, at iba pa.
Matapos na maikot sa Poblacion ang imahe ni Señor Sto. Niño de Romblon, isinakay ito sa barko para naman sa fluvial procession. Inikot ng pitong beses ang batang Hesus sa bukana ng Romblon, kahalintulad umano sa bilang ng ginawang pagikot ng barkong sinakyan nito para dalhin sana sa Cebu ang imahe kasabay ng iba pang imahe ng Santo.
Ayon sa isang lokal na nakausap ng Romblon News Network, mas naging mahalaga para sa bayan ang araw ng kapistahan ni Señor Sto. Niño de Romblon simula noong naibalik ito sa Romblon mula Antique, matapos nakawin ito sa loob ng St. Joseph Cathedral sa Romblon noong December 1991.
Ang isa sa mga residente ng Romblon na naggaling pa sa Barangay Sawang, hindi naging hadlang ang katandaan para dumalo sa procession para narin umano masulyapan ang batang Hesus.
Samantala, hindi nawala sa parada si Romblon Mayor Mariano Mateo, at mga kasama nito sa local government unit, na naglakad suot ang kasuutan ng isang kawal na Español.