Umarangkada na ang second visit ng 2018 Family Income and Expenditures Survey (FIES) kasabay ng Labor Force Survey (LFS) para sa 1st quarter ng 2019.
Pagkatapos ng anim na araw na pagsasanay ng 51 statistical researchers at limang team supervisors ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Romblon bilang paghahanda sa kanilang trabaho.
Sa panayam ng PIA kay Fely F. Miñano, Assistant Statistician ng PSA-Romblon, sinabi nito na dahil sa dami ng samples sa survey ay sapat ito para magkaroon ng estimate sa Provincial Level.
Ang magkasabay na survey ay isasagawa sa 13 bayan ng Romblon kung saan 1,538 na household ang respondent o nakatakdang bisitahin ng mga enumerators na tatagal hanggang sa katapusan nitong buwan.
Ang LFS ay ang pangangalap ng datos patungkol sa demographic at social economic characteristics na ginagawa kada quarter ng taon kung saan inaalam ang employment, unemployment at underemployment rate sa pamamagitan ng mga samples.
Ang mga makakalap na datos sa naturang survey ay magsisilbi namang gabay ng mga policy maker sa gobyerno sa kanilang pagbalangkas ng mga programa sa sektor ng paggawa.
Ang FIES naman ay rider ng LFS na ginagawa kada tatlong taon upang alamin ang mga datos patungkol sa sources of income ng mga pamilya at ang kanilang expenditures level.
Ang reference nito ay ang kanilang consumption sa nakalipas na anim na buwan o mula Hulyo hanggang Disyembre 2018.
Matatandaan na ginawa ang first visit ng FIES noong Hulyo na may reference period na mula Enero hanggang Hunyo 2018.
Layunin ng FIES na makakalap ng mga datos patungkol sa sources of income ng mga pamilya at ang kanilang expenditures level.
Ayon sa pamunuan ng PSA – Romblon, ang mga respondents sa first visit ang siya ring magiging respondents ngayong second visit para makita ang consumption nila sa magkaibang period of time gamit ang parehong set of questions.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)