Hinirang na ‘Best Schools Division Office’ sa buong rehiyong Mimaropa ang Department of Education – Division of Romblon sa isinagawang division ranking ng DepEd – Mimaropa Regional Office para sa fiscal year 2017.
Sinabi ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa na dahil sa karangalang natanggap ng DepEd Schools Division of Romblon, ang lahat ng mga guro at empleyado sa ilalim ng kanyang pamumuno ay makatatanggap ng performance based bonus (PBB) na 65 porsiyento ng kanilang buwanang sahod.
Ito aniya ay bunga ng pagiging masipag, pagtutulungan at pagkilala sa mga guro na nagampanan ng maayos ang kanilang pagtuturo o responsibilidad sa paaralan.
Ang pagkahirang sa Schools Division of Romblon ay batay sa naging performance ng division ukol sa Budget Utilization Rate (BUR) on Division level at ranking ng mga paaralan sa lalawigan ng Romblon na may kinalaman sa Office Performance Commitment and Review Form at fiscal management.
Sa pitong schools division ffices sa buong Mimaropa na kinabibilangan ng Palawan, lungsod ng Puerto Princesa, Oriental Mindoro, Marinduque, Occidental Mindoro, lungsod ng Calapan at Romblon ay nanguna sa overall rating ang Division of Romblon alinsunod sa OPCRF, fiscal management at good governance.
Matatandaan din na naging regional academic performance awardee ang Schools Division of Romblon, umangat ang performance sa National Achievement Test (NAT) ng mga schools, bumaba ang bilang ng dropouts sa lalawigan, regular na nagsasagawa ng School Visitation, Funds Solicitations at nitong huli ay ang pag-conduct ng Division ng Professional Development Lectures sa mga educators ng probinsiya.
Ikinagalak at labis na pinasalamatan ni Superintendent Capa ang kanyang mga empleyado sa aktibong pagtupad sa tungkulin at ipinamalas na galing, gayundin sa mga Division Supervisors, Public Schools District Supervisors at higit sa lahat ng mga guro na lubos ang suporta sa programa ng DepEd – Romblon.(SR/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)