Kasabay ng selebrasyon ng kapiyestahan ng kabisera ng lalawigan, pinangunahan ni Governor Eduardo C. Firmalo ang pagbubukas ng Marble Festival ngayong taon sa Romblon Shopping Center.
Ang Marble Festival ay bahagi ng taunang pagdiriwang ng Biniray Festival sa bayan ng Romblon, kung saan makikita ang iba’t ibang disenyo na gawa sa batong marmol na nilikha ng mga manlililok sa bayan ng Romblon.
Ito ay taunang kompetisyon sa paggawa at paglilok ng iba’t ibang obra-maestra mula sa marmol sa bayan ng Romblon ay nilahukan ng mahigit 50 upang magpakita ng kahusayan sa paglilok o pagdisenyo ng mga novelty items at artworks na yari sa batong marmol.
Opisyal na ring inanunsiyo ni Roberto M. Muros, Trade and Industry Development Specialist ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ang mga nananalo sa isinagawang kompetisyon na may apat na kategorya.
Sa Carving Category, ang unang gantimpala ay napanalunan ni Silverio Santiago, pumangalawa si Mary Jean Santiago at pumangatlo si Tiotimo Madeja.
Sa kategoryang New Improved Design, nanguna si Denia Madeja, pumangalawa si Darwin Santiago at pumangatlo si Christina Salvador.
Sa Jewelries and Accessories naman ay nakamit ang unang pwesto ni Mary Jean Santiago, pumangalawa si Betty Austin at pumangatlo si Vilma Austin.
Sa kategoryang Marble with Other Elements ay nanalo sa unang pwesto si Numeriano Moral, pumangalawa si Juliet Antonio at pumangatlo si Darwin Santiago.
Tumanggap din ng consolation prize na nagkakahalaga ng tig-P1,000 ang mga sumaling hindi pinalad na manalo. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)