Kalahati na ng buwan ng January ang natapos pero hindi parin naipapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon ang proposed 2019 budget ng probinsya dahil sa hindi pa naaprubahang Annual Investment Program (AIP) ng mga miyembro ng Provincial Development Council (PDC) dahil sa kakulangan ng quorum sa magkasunod na council meeting.
January 11, Friday, nagpatawag umanong Full-PDC Meeting ang chairman nitong si Governor Eduardo Firmalo sa Romblon Plaza Hotel sa Romblon, Romblon ngunit base sa minutes, 5 lamang sa 24 na miyembro ng PDC ang dumalo rito. Ito ay sina Governor Eduardo Firmalo, Calatrava Mayor Marieta Babera, Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, San Andres Mayor Arsenio Gadon, at representative ni KadBayan Chairman Nicasio Fidecan Jr.
Sa ginanap na Full-PDC Meeting nitong Huwebes, January 17, hindi nanaman nakadalo ang 15 sa 24 na mga miyembro PDC kabilang sina Congressman Emmanuel Madrna, Corcuera Mayor Rachel Bañares, Alcantara Mayor Eddie Lota, Cajidiocan Mayor Nicasio Ramos, Concepcion Mayor Medrito Fabreag Jr., Ferrol Mayor Jovencio Mayor Jr., Looc Mayor Leila Arboleda, Magdiwang Mayor Denisa Repizo, Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, Romblon Mayor Mariano Mateo, San Agustin Mayor Esteban Madrona Jr., San Jose Mayor Ronnie Samson, Sta. Fe Mayor Elsie Visca, at Sta. Maria Mayor Artemio Madrid.
Sinabi ni Willard Martos, Secretary ng Provincial Development Council, hindi umano sila nagkulang ng paalala sa mga miyembro ng PDC patungkol sa January 11 PDC Meeting at January 17 PDC Meeting.
Nagpaabot naman ng mensahe sa PDC ang Mayor ng Corcuera na si Rachel Bañares na ikakasal umano ang kanyang anak sa Quezon kaya hindi siya makakadalo sa PDC Meeting na itinakda nitong January 17.
Sa hiwalay na mensahe ni Banares na pinadala sa Romblon News Network, sinabi nito na humiling rin umano siya sa secretary ng PDC na ilipat ng February 22 o 25 ang PDC Meeting para mas mahaba yung palugit ng notice, aniya anim na araw lang bago ang January 17 nagbigay ang secretary ng transmittal na may upcoming PDC Meeting pala.
Nasa mahalagang pagpupulong naman umano sa isang foundation si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic sa Manila kaya hindi rin ito nakadalo.
Samantala, sinabi ni Willard Martos na may mga mayor rin umanong nagsabi na hindi sila makakapunta ngunit hindi nagpaabot ng kanilang rason kung bakit.
Sinabi ni Sangguniang Panlalawigan member Fred Dorado na ang kawalan ng quorum tuwing may PDC meeting nalang ang humahadlang sa pagkakapasa ng 2019 budget ng probinsya dahil naaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang annual development plan na bahagi ng 2019 Annual Investment Program.
Kung sakali umanong ma-approve ng PDC ang 2019 AIP, mabilis nalang itong uusad sa Sangguniang Panlalawigan dahil isasalang nalang ito sa committee hearing, at sa regular session para maipasa.
Hinimok naman ni Mr. Jimmy Tan ng Philippine Chamber of Commerce & Industry – Romblon, ang mga miyembro ng PDC na absent sa magkasunod na scheduled PDC Meeting na magpaliwanag kung bakit hindi sila nakadalo.
Patuloy na kinukunan ng pahayag ng Romblon News Network ang iba pang miyembro ng PDC na hindi nakadalo sa January 11, at January 17 PDC Meeting.