Isang lalaking nagtatrabahong waiter sa isang videoke bar sa Barangay Budiong sa bayan ng Odiongan, Romblon ang naaresto ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch – Provincial Drug Enforcement Unit (PIB-PDEU) ng Romblon PPO at ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Supt. Richard Ang, sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation na kinasa nitong gabi ng Biyernes, December 07.
Ayon sa pulisya, nabilhan di umano nila ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu ang suspek na si Zyhke Robin Dimatulac, alyas Iyah, sa halagang P500 sa labas lang ng pinagtatrabahuang videokebar.
Nakuhaan rin di umano ang 24-anyos na suspek ng isa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu matapos na kapkapan ng pulisya.
Si Alyas Iyah ay sumuko na sa Oplan Tokhang sa Oriental Mindoro noon at pumunta ng Romblon para dito magtrabaho sa videokebar.
Itinanggi naman ni alyas Iyah na nagbebenta siya ng shabu at sakanya ang mga nakuha. Aniya, tatlong taon na siya huling gumamit.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.