Nitong nagdaang Pasko, dapat minonitor ng kapulisan ang mga inaanak na naghanap sa kani-kanilang mga ninong at ninang. Kung sino ang pinakamagaling na inaanak na nahanap ang pinakamahirap na hanapin na ninong at ninang, aba’y bigyan na nila ng trabaho o alagaan para maging pulis sa hinaharap.
Sa hirap ng buhay ngayon at pagiging maluho ng mga bata na babad sa mga gadget, aba’y hindi na sila masaya kung bibigyan mo lang ng P20 o P50 o P100. Ang iba naman kasing magulang, basta kuha lang nang kuha ng sandamakmak na ninong at ninang kahit hindi nila “close.” Kasi ang tingin nila eh ATM ang mga kukunin nilang ninong at ninang pagdating ng Pasko. At kapag hindi nangyari ang “advance” nilang naisip, sasama ang loob nila kina kumpare at kumare at pag-iisipan na kuripot.
Kaya kung nahanap ni inaanak ang mailap nilang ninong at ninang, aba’y mahusay ang kanilang “intelligence” at tiyak na may “future” ang mga batang ito na maging “tracker” ng pulisya para hanapin ang mga kriminal o kung sino man na may atraso sa batas.
Sa totoo lang, kahiya-hiya ang pulisya ngayon dahil sa sunod-sunod ang mga kasong ng pagpatay sa mga kilalang personalidad o opisyal, pero wala silang naihaharap na suspek o mastermind sa krimen. Ang pinakahuling biktima ng ambush ay itong si AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.
Ano na nga bang nangyari sa kaso ng napatay na negosyanteng si Dominic Sytin na binaril sa labas ng hotel sa Subic Bay Freeport Zone? Eh ang pagpatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili na binaril habang nagpa-flag ceremony? Ang kaso ni dating La Union congressman Eufranio Eriguel, may update na ba? Kung ang kaso ng mga opisyal at may kaya sa buhay eh hindi na yata nareresolba, papaano pa kaya ang kaso ng isang simpleng tricycle driver lang, isang karaniwang Juan dela Cruz na bigla na lang nilapitan at binaril nang malapitan.
Sa kaso ni Cong. Batocabe, dalawang anggulo raw ang nakikitang motibo ng mga pulis sa pagpatay— pulitika dahil kakandidato siyang mayor sa May 2019 elections, at New People’s Army, dahil malakas daw ang puwersa doon ng mga rebelde at hinihingan daw ng “revolutionary tax” ang mambabatas.
Sa dalawang anggulo, mas madaling palabasin siyempre ang NPA bilang mga suspek. Aba’y wala naman sigurong NPA na lalabas sa media at sasabihin na hindi sila ang may gawa ng krimen. Ang puwedeng gawin ng NPA kung wala naman silang kinalaman sa pagkamatay ni Batocabe, magsiyasat din sila at isiwalat ang may gawa ng krimen.
Puwede rin naman na mahanap ang mga bumaril kay Batocabe at iba pang biktima ng ambush at asasinasyon pero baka “manlaban” sila at mapatay kaya baka hindi na tuluyan pang mahuhuli ang mga utak ng pagpapatay. Ngunit baka may pag-asa pa naman na malutas ang mga patayan sa tulong nga ng mga inaanak na mahusay maghanap ng dapat nilang hanapin. Siguro dapat palabasin lang na sabihin sa inaanak na ninong o ninang nila kunwari ang wanted na ipahahanap.
Hirit kasi ng kurimaw natin na hindi nabinyagan kaya walang ninong at ninang, parang hirap daw kasing maghanap nang dapat na hanapin ang ibang awtoridad. Tulad na lang nitong mga badjao at aeta na taun-taung naglilipana sa Metro Manila kapag kapaskuhan, aba’y tanungin mo ang mga nasa awtoridad kung may sindikato ba na gumagamit sa mga katutubo, baka ang isasagot nila eh hindi pa rin sila sigurado.
Samantalang kung talagang nais nilang matigil ang paggamit ng mga katutubo na pinagpapalimos sa mga lansangan na kasama pa at bitbit ang mga sanggol, aba’y pasundan lang nila kung saan nagpupunta ang mga ito pagsapit ng gabi at alamin kung may pinagbibigyan o iniintrigahan ba sila ng kanilang nalilimos.
Pero sa totoo lang, dapat at panahon nang magpakitang-gilis naman ang pulisya na humuli at iharap sa hustiya nang buhay ang mga tunay na gunman at mastermind sa mga kaso ng patayan—sikat man o hindi ang biktima. At higit sa lahat, gumawa ng hakbang para matigil at mahuli agad ang mga hired killer bago pa man sila umatake at sumakay ng kanilang motorsiklo.
Ika nga sa kasabihan, “desperate times calls for desperate measures.” Iyon nga lang , hindi naman siguro ang ending nito eh martial law? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)