Espesyal ang Pasko ngayong taon para sa mga kababayan natin sa Balangiga sa Eastern Samar dahil naibalik na ang tatlo nilang kampana na tinangay ng mga sundalong Amerikano noong 1901 sa kainitan ng Philippines-US war. Tiyak na dapat abangan ang pagkalengbang ng mga kampana sa Simbang Gabi.
Dinaluhan mismo ni President Mayor Digong Duterte ang paghahatid ng tatlong kampana sa Balangiga mula sa Villamor Airbase sa Pasay City, na pansamantalang pinaglagyan ng mga kampana nang dumating ang mga ito sa bansa nitong Martes.
Ang dalawang kampana ay nanggaling pa sa military base sa Wyoming, USA, habang ang isa pa ay nanggaling naman sa military camp ng US sa South Korea. Ang mga kampana ang sinasabing ginamit na hudyat noon ng mga Pinoy para salakayin ang mga sundalong Amerikano na nasa Balangiga.
Dahil sa naturang pag-atake, mahigit 40 sundalong Kano ang nasawi, at marami pa ang nasugatan. Iyon ang itinuturing pinakamalaking kabiguan ng tropa ng US sa naturang digmaan sa Pilipinas. Pero nang rumesbak ang mga Kano, halos maubos ang populasyon sa bayan dahil ipinapatay ang lahat ng lalaki na kayang magbitbit ng armas sa edad na 10 pataas.
Sa mga lumabas na pagsasaliklik, isa lang talaga ang kampana na ginamit na panghudyat sa pag-atake sa mga Kano—ang mas maliit na kampanya na nasa South Korea. Kaya nang nagiging pahirapan daw noon ang panawagan ng mga alagad ng Simbahang Katolika at maging ng ilang mga politiko na ibalik na ng US ang mga kampana, may mga nagmungkahi na kahit isa na lang ang kanilang ibalik—ang nasa South Korea.
Ngunit kung inaakala ng iba na ngayon lang nagkaroon ng mga pagkilos, pakikipagnegosasyon at panawagan na maibalik ang mga kampanya, aba’y nagkakamali sila. Sinasabing 1950’s pa nang unang makiusap ang mga alagad ng Simbahan na isauli ang mga kampana dahil iyon ay pag-aari ng Simbahan at hindi dapat ituring na “war trophy.”
At kahit noong administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos, gumawa rin siya ng mga pakikipag-ugnayan sa US para maibalik ang mga kampana para sana sa selebrasyon ng sentenaryo ng kalayaan ng Pilipinas noong 1998. Pero kahit pa nangako noon ang nakaupong si US President Bill Clinton, hindi rin natuloy dahil tumutol ang mga war veterans ng Amerika, lalo na ang nasa Wyoming.
Nagpatuloy pa rin ang mga pakikipagnegosasyon at pakiusap ng Simbahan at ilang mga lider natin. Hinahabol naman sana nila na maibalik sana ang mga kampana noong 2001, na paggunita naman sana sa sentenaryo ng nangyaring bakbakan sa Balangiga. Kung tutuusin, mas magandang panahon at timing sana iyon para mapaghilom ang sugat na idinulot ng digmaan ng Pilipinas at US pero nganga pa rin ang nangyari.
Sa paglipas ng panahon, nagpatuloy pa rin naman ang mga negosasyon at palitan ng mga kuru-kuro tungkol sa mga kampanya, ano ba talaga ang simbulo ng mga ito at ano ang higit na makabubuti. Hanggang sa lumambot na ang mga beterano sa US at pumayag na pakawalan na ang kampana. Nataon naman ito sa panahon na inungkat ni President Mayor Digong sa kaniyang State of the Nation Address noong 2017 ang kahalagahan ng mga kampana para sa mga Pinoy.
At nataon din naman na panay ang upak ni President Mayor Digong sa US, habang mas BFF at magiliw ang pangulo natin sa China. Kung pangkamot ng US sa likod ni President Mayor Digong ang mga kampanya, hindi natin alam. Basta ang mahalaga, maisasara na ang bahagi ng mapait na kasaysayan ng digmaan ng Pilipinas at US. Bukod doon, kahit papaano ay maipakikita na nananatiling matatag ang alyansa ng dalawang bansa.
Pero dapat siguraduhin ng US na mga tunay at hindi replica ang mga isinauli nilang kampana.
Iyon nga lang, may pangamba ang ating kurimaw. Baka kung kailan naibalik ang mga kampana ay baka naman nakawin sa simbahan na paglalagyan sa Balangiga. Makikita kasi na medyo mababa ang pupuwestuhan ng mga kampana at mukhang madaling matangay kapag ginamitan ng trak.
At dumalo nga si President Mayor Digong sa paglilipat ng mga kampana sa Balangiga dahil makasaysayan ito at naging bahagi siya. Pansamantalang kalimutan ang away niya sa Simbahan. Patunugin muna niya ang kampana at maki-jingle bells muna.
At kung ang pagbabalik ng mga kampana ang maging hudyat para tanggapin niya ang imbitasyon para magtungo na siya sa US, aba’y aabangan natin ang susunod na kabanata. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)