Tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) – Romblon na sapat ang suplay ng mga NFA rice sa buong lalawigan ngayong kapaskuhan hanggang sa Pebrero 2019.
Ang katiyakang ito ay dahil may 24,000 sako pa ang nakaimbak na NFA rice sa bodega ng naturang ahensiya.
Aminado si Rowena Maduro, Admin Aide III ng NFA – Romblon na sa kasalukuyan ay mababa ang bentahan ng mga NFA rice sa kanilang mga accredited outlets at mga palengke dahil sa harvest season.
Maraming stock na rin ng commercial rice sa mga tindahan at maraming bigas sa ngayon ang mga palay farmers sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Ayon pa kay Maduro, sa ikalawang linggo ng Enero 2019 ay nakatakdang dumating sa bayan ng Romblon ang karagdagang 30,000 sako ng NFA rice kaya makatitiyak ang mga mamimili na walang mangyayaring kakapusan sa suplay ng bigas sa lalawigan.
Siniguro rin nito na walang bukbok ang mga dumating na bigas ng NFA sa Romblon at ligtas itong kainin ng publiko.