Napapanatili ng probinsya ng Romblon ang pagiging Malaria-Free nito simula pa noong taong 2008, ayon sa Department of Health (DOH) sa Malaria Congress Press Conference kamakailan sa Puerto Princesa City, Palawan.
Target ng DOH na sa taong 2023 pa lamang ay mapanatili ng buong rehiyon na wala nang naitatalang kaso ng malaria hanggang sa taong 2030.
“Hindi imposible na ma-attain natin ang target na maging ‘malaria-free province’ ang Palawan, maging ang Rehiyong Mimaropa sa 2030, basta magtulungan lamang”, ito ang naging pahayag ni Usec. Gerardo V. Bayugo, DOH.
Ang press conference ay isa sa mga naging aktibidad sa katatapos na pinagsamang Malaria Congress sa lungsod ng Puerto Princesa, ang 1st Regional Malaria Congress at ang 10th Provincial Malaria Congress.
Inaasahan din ng DOH-Mimaropa na maidedeklara nang malaria-free ang Oriental Mindoro dahil sa wala nang naitatalang kaso ng malaria dito simula pa noong taong 2012. Ang Palawan na lamang at ang Occidental Mindoro ang mayroong naitatalang kaso ng malaria mula 2013 hanggang sa kasalukuyan. Ang Palawan ay nakapagtala ng 4,162 kaso ng malaria mula Enero hanggang Nobyembre 2018 at mayroong naitalang isang namatay sa Palawan dahil sa sakit na ito, samantalang apat lamang ang naitalang kaso ng malaria ng Occidental Mindoro sa kaparehong panahon.
Kinilala naman ni DOH Asec. Maria Francia Laxamana ang pagpupursige ng mga health worker partikular ang mga microscopist sa pagpapatupad ng programa kontra-malaria. Si Asec Laxamana ang Keynote Speaker sa ginanap na Malaria Congress. Pinuri ni Laxamana ang mga sakripisyo ng mga microscopists na umaakyat sa mga kabundukan para sa programang kontra-Malaria. (with reports from PIA-Palawan)