Tuluyan nang ipagbabawal sa susunod na taon ang paggamit ng thermal paper sa pag- iisyu ng resibo, ayon sa pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office No. 35 na nakabase sa Romblon.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA ay sinabi ni Revenue District Officer Benjamin V. Cruz Jr. na tapos na ang tatlong taong palugit na ibinigay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga negosyante at individual taxpayers para gamitin ang ganitong uri ng papel sa kanilang cash register machine o pag-isyu ng official receipt.
Magugunita aniya na noong 2015 ay naglabas si dating BIR Comm. Kim Henares ng Revenue Regulations No. 10 na nagsasabing hindi na dapat gamitin ang thermal paper sa pag- iisyu ng resibo.
Nakasaad kasi sa Sec. 203 & 222 ng National Revenue Code na kailangang itago ang mga dokumento na magpapatunay sa financial statement tulad ng voucher, books of account at mga resibo.
Sa sandali kasing magsagawa ng audit ang BIR at kailanganin ang mga kahalintulad na dokumento ay may maipresenta ang taxpayer.
Sinabi pa ni Cruz sa Kapihan na sa pagtatapos nitong taon ay dapat ‘compliant’ na ang mga negosyante.
Sa kasalukuyan aniya ay mayroon ng ilang mga negosyante, grocery store at Fast Food chain na hindi na thermal paper ang ginagamit sa resibo.
Nagbabala si Cruz na maaaring maharap sa penalidad ang sinumang negosyante at individual taxpayer kapag nagakaroon ng problema dahil sa paggamit ng thermal paper sa susunod na taon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)