Patuloy na nakakaranas ng pag-uulan na may kasamang malalakas na hangin ang mga bayan sa lalawigan ng Romblon ngayong araw dahil sa epekto ng dating bagyong si Usman na ngayon ay isa na lamang low pressure area (LPA).
Ayon sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang 3:30 ng hapon, makakaranas umano ang Romblon, Northern Samar, at Camarines Norte ng moderate to heavy rains sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras.
Kaninang alas-3 ng hapon, namataan ang LPA sa layong 60 km East ng bayan ng Romblon, Romblon.
Dahil sa pag-uulan, pinag-iingat ng PAGASA ang mga nakatira sa mga low lying at mountainous areas na maghanda at magbantay sa posibleng panganib ng baha at landslide.
Sa bayan ng Banton, nagsagawa na ng clearing operations sa mga kalsada ang mga tauhan ng Banton Municipal Police Station matapos magtanggalan ang mga sanga ng puno ng niyog dahil sa malalakas na hanging nararanasan sa lugar.
Dahil rin sa malakas na alon, pahirapang makadaong sa pantalan ng Poctoy sa Odiongan ang mga barko ng Montenegro Shipping Lines at 2Go Travel na biyaheng Batangas ngayong hapon.