Madalas natin mabasa sa mga posts sa social media ang katulad sa – ”Anong akala nyo sa aming mga nasa abroad, nagpapala ng pera?”
Kunsabagay, may punto nga naman ang nagsasabi nito, dahil hindi biro ang magtrabaho sa ibang bansa. Maraming mga pagsubok na pinagdadaanan.
Kaya nga ang iba naman ay nagsasabi na, “Ang pagtrabaho sa abroad ay may dalawang hantungan lamang – ang gumanda ang sitwasyon ng pamilya o ang mabuwag ang pamilya. Totoo nga naman at may basehan. Marami na ring mga pamilya ang tuluyang nawasak dahil magkahiwalay ang mag-asawa, ang isa nasa abroad, samantalang ang isa naman ay naiwan sa Pinas. Maaaring ang nasa abroad ay nakakita ng iba at nagsama, o kaya ang naiwan naman ang nagkaroon ng affair sa iba.
Mahirap ang malayo sa mga mahal sa buhay. Kung kaya’t kung may dumaang mga tukso ay malamang na mahulog dito. Lalo ngayong Pasko, tiyak maraming mga Pinoy sa abroad lalo sa Middle East ang nalulungkot.
Bagama’t hindi lahat, pero karamihan sa mga nagtatrabaho sa Middle East ay may pasok pa rin sa araw ng Pasko. Para sa mga kristyano, ang araw ng Pasko ay importanteng ipagdiwang. Subalit papaano nga kung nasa Middle East nagtatrabaho? Aba ay talagang malungkot.
Subalit handang magtiis ang mga OFWs na nasa Middle East kahit malungkot ang Pasko, basta ang importante ay masaya ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Di bale nang walang kinakaing masasarap na pagkain, walang masasayang pagtitipon, walang tugtugan ng mga pamaskong awitin, basta natitiyak na nakangiti ang mga mahal sa buhay sa Pinas, OK na ang araw ng Pasko. OK na, kahit mag video call na lang, at itago ang pagpatak ng luha sa mga mata dahil sa ibayong lungkot na nadarama.
Kung may iba mang mga napapahamak at nasasadlak sa tawag ng pita ng laman na dala ng kalungkutan na humahantong sa pagkakawasak ng pamilya, mahirap nga naman talagang e resist ang sexual na temptation, maliban na lamang kung ang tao ay may personal na relasyon at takot sa Diyos. Ito lang ang tanging paraan na magagawang labanan nya ang mga ganyang tukso.
Para saan o kanino pa ang paghihirap sa ibang bansa kung hindi rin lang naman para sa nagmamahal na pamilya? Ganyan ang mga OFWs sa Middle East nagsasakripisyo para sa kanilang mahal na Pamilya sa Pinas. Ganyan ang kanilang Pasko sa disyerto.