Isang unit ng 2-clasroom school building ang ipagkakaloob ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos manalo maswerteng mabunot sa isang raffle draw ang pangalan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan sa isang event ng FFCCCII sa Manila kagabi.
Sa Facebook post ni Mayor Fabic sinabi nito na nasa Manila siya para dumalo sa ‘Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry dinner meeting with Fil-Chi government officials’ at dito siya nanalo ng 1 unit ng 2-classroom school building.
“Pakiramdam ko tumama ako sa lotto!” ayon sa bahagi ng post ng alkalde.
“Nag aalangan pa ako na sumakay pa Manila para mag attend ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry dinner meeting with Fil-Chi government officials, sa dahilan na ang daming gawain at ganap sa Odiongan na kailangang asikasuhin, napuyat at napagod sa ilang gabi ng pagdalo sa mga events sa mga barangay at umakyat pa ng bundok nung mismong araw ng nakatakdang pagbyahe. Mabuti nalang tumuloy ako,” ayon sa alkalde.
Sa napakaraming local government leaders na dumalo sa nasabing event, isa ang Odiongan sa limang maswerteng nanalo sa raffle.
Makikipag-usap umano ang alkalde sa mga opisyal ng Department of Education sa Odiongan para matukoy kung saang school pinakakailangan ang nasabing dalawang classrooms.