Dahil sa tuloy tuloy na pag-uulan sa Magdiwang, Romblon dahil sa bagyong Usman na kalaunan ay naging isang low pressure area (LPA), ilang maliit na landslide at rockfall ang naitala sa bayan kaninang madaling araw.
Ayon sa Quick Response Team ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), nagkaroon ng maliit na landslide sa mga barangay ng Agsao at Agutay sa bayan ng Magdiwang kaya pahirapan ang pagresponde ng kanilang team sa isang posteng natumba sa Barangay Ipil matapos magulungan ng isang malaking bato.
Alas-onse kagabi, December 28, ng magsimula ang brownout dahil sa natumbang poste at bandang 2:30 na ng hapon ngayong araw, December 29, naibalik.
Sa ngayon, malakas parin ang hangin na nararanasan sa bayan gayun rin sa ilang karatig na lugar.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan nila ang LPA sa layong 60km East ng bayan ng Romblon, Romblon.