Nagpaalala ang Rural Health Unit (RHU) – Romblon sa publiko hinggil sa paglaganap ng food at water-borne diseases ngayong tag-ulan at kapaskuhan dahil inaasahang magiging pangkaraniwan na naman ang sakit na ito.
Kaugnay nito, pinulong ng RHU-Romblon ang mga may-ari ng restaurant, carenderia at operators ng water refilling station sa bayan ng Romblon upang paalalahanan ang mga ito ng posibleng kontaminasyon sa pagkain at mga sakit na makukuha sa pag-inom ng tubig.
Layunin ng pagpupulong na makontrol ang pagkalat na sakit at matiyak na malinis ang mga pagkain at inuming tubig na ibinebenta upang hindi magkasakit ang mga parokyano ng mga ito.
Ayon kay Dr. Merly Valen H. Mallorca, Municipal Health Officer ng RHU-Romblon, ang food at water-borne diseases ay karaniwang sanhi ng pagkain at inuming kontaminado ng bacteria, parasites at viruses.
Karaniwan na rin aniyang tumataas ang bilang ng food and water-borne diseases kapag panahon ng tag-ulan dahil sa pagkasira ng sistemang patubig at sewage disposal systems, leak, pagkawasak ng underground pipelines at storage tanks na posibleng maging dahilan ng contamination.
Sinabi pa ni Dr. Mallorca na ilan lamang sa mga sakit na pwedeng makuha sa pag- inom ng kontaminadong tubig ay acute gastroenteristis, cholera, typhoid fever, hepatitis A at amoebiasis.
Para maiwasan ang naturang sakit ay ipinapayo nito ang pagkakaroon ng maayos na personal hygiene sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay sa paghahanda ng pagkain at pagkatapos na mag-asikaso sa isang maysakit.
Kinakailangan din aniyang ugaliin ang food safety sa pamamagitan ng paghuhugas sa lahat ng mga ginamit sa pagluto at pagkonsumo lamang ng pagkaing maayos ang pagkakahanda.
Para makasiguro sa malinis na inumin, maaari itong pakuluan ng kahit tatlong minuto lamang upang mamatay ang bacteria at parasites. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)