Patay ang isang barangay kagawad ng Barangay Magsaysay bayan ng Santa Fe, Romblon at ang kanyang asawa matapos na pagbabarilin nitong umaga ng Huwebes sa labas mismo ng kanilang pamamahay.
Kinilala ang biktima na si Kagawad Danilo Jungay, at asawa nitong si Cristy Jungay.
Ayon sa Santa Fe Municipal Police Station, bandang 6:30 nitong umaga ng makarinig ng putok ng baril ang mga residente ng Sitio Ilaya, Barangay Magsaysay matapos nito’y nakita nila na nakahandusay na ang mag-asawa sa tapat mismo ng kanilang bahay.
Batay sa isang saksi sa krimen, nakita umano niya ang mag-asawa na Danilo at Cristy Jungay na nakikipagtalo sa lima nitong kamag-anak at ilang minuto ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril.
Nagtamo ng tama sa katawan ang dalawang biktima na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.
Samantala, naaresto naman ng pulisya ang isa sa mga suspek na kinilalang si Lester Candilario Jungay, 18, pamangkin ng biktima.
Kwento ni Lester sa pulisya, away sa lupa ang dahilan ng kanilang pagtatalo.
Naaresto rin sa follow-up operation ang tatlo pang suspek na sina Raigor Jungay, Nelson Jungay, at Ramil Jungay, pawang mga kamag-anak ng biktima. Nakakulong na sila ngayon sa Santa Fe Municipal Police Station.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng kapulisan ang isa pang suspek na nakatakbo matapos ang krimen.
Nahaharap ang limang suspek sa two counts ng Murder.