Posibleng magkaroon ng reenacted budget ang bayan ng Odiongan sa susunod na taon matapos ipagpaliban muna ng Sangguniang Bayan ang pagpasa sa panukalang pondo ng pamahalaang lokal para sa taong 2019 sa ginanap na special session nila kahapon, December 19.
Hindi umano naipasa ang budget matapos mag-motion si Sangguniang Bayan member Rollie Lachica na ibalik muna sa Municipal Development Council (MDC) ang kanilang panukalang 20% Development Fund na napagkasunduan na ng mga Barangay Captains na nagkakahalaga ng mahigit P27-million.
Ayon kay Lachica ng makapanayam ng Romblon News Network, ibinalik umano nila ang panukalang 20% Development Fund sa MDC para makonsidera ang ilan nilang rekomendasyon at mabigyang pansin ang health, livelihood, at suporta sa edukasyon kagaya ng pagpapatapos sa RHU building, pagdagdag ng mga classrooms sa ilang paaralan, at pagbili ng mga vaccines para sa rabies at iba pang gamot.
Ngunit base sa Joint Memorandum Circular noong 2017 ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Interior and Local Government (DILG), nasa piling mga infrastructure projects lamang pwede ilagak ang 20% Development Fund, at ilan sa mga rekomendasyon na nabanggit ng majority ng Sangguniang Bayan members ay hindi pasok dito.
Sinabi rin ni Lachica na hindi siya sang-ayon sa posibleng pag-utang ng munisipyo ng Odiongan para makapagpatayo ng Government Center na paglilipatan ng LGU Offices ng Odiongan. Base sa 20% Development Fund ng MDC, naglaan sila ng P8-million pandagdag sa pondo para sa pagpapatayo ng Government Center sa Barangay Dapawan.
“Ang akala kasi namin, pwede natin dagdagan until such time na makaipon tayo, at hindi uutang. Ang pinag-usapan kasi namin noon ay joint undertaking…There will be some funding from the National Government thru the Congressman, at from the Provincial Government thru the Governor,” ayon kay Lachica.
“Kung yan ay P30-million, P50-millionn, [edi] out from our own resources that we have, and from their assistance, we would be able to construct that building. [Hindi na kailangang umutang]” dagdag pa ni Lachica.
Samantala, nangangamba naman ang ilang job orders/casual employees sa LGU Odiongan na mawalan ng trabaho kung hindi maipapasa ang appropriation ordinance para sa 2019 budget ng munisipyo bago matapos ang taon dahil sa kawalan ng budget.
Kinumpirma ito ni DILG Municipal Local Government Operations Officer Carlito Faina Jr. sa Romblon News Network, aniya may posiblidad na mawalan sila ng trabaho kasi walang pondo para sa mga sweldo nila.
“Ang SB ay patuloy na mag-session para lang pag-usapan ang budget. Ito lang ang kanilang agenda wala ng iba sa kanilang session hanggang umabot ng 90 days, pag wala parin after 90 days, reenacted ang budget last year,” pahayag ni MLGOO Faina.
Aniya, kung sakaling reenacted ang budget last year para sa susunod na taon, walang proyektong pwedeng i-implement sa susunod na taon sa Odiongan dahil hindi kasama sa reenacted ang 20% Development Fund noong 2018.
Tumanggi naman munang magbigay ng pahayag si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic kaugnay rito dahil patuloy pa umano silang gumagawa ng paraan para maipasa ang panukalang pondo ng pamahalaang lokal para sa taong 2019.