Nasabat sa isang negosyante sa Odiongan sa Romblon ang aabot sa anim na kahong naglalaman ng mga pekeng sigarilyo sa isinagawang search warrant operation kaninang ala-una ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Ronald Limjuco, residente ng Roxas, Oriental Mindoro at pansamantalang umuupa sa isang bahay sa Barangay Batiano sa bayan ng Odiongan kung saan isinagawa ang search warrant operation.
“Napatern namin sakanya na tatawid siya pagbalik, may mga dalang cartoon, at ibinebenta niya. Hindi naman siya actually yung nagbebenta kundi may kumukuha sa kanya dito,” pahayag ni Police Chief Inspector Brian Fallurin hepe ng Odiongan Municipal Police Station.
Ayon kay Limjuco, dalawang buwan palang siyang sangkot sa pangangalakal ng pekeng sigarilyo
“Hindi po kami nagbebenta, sinasabay lang sa pagbenta ng tuyo. [Peke tong mga sigarilyo.] Yun na nga po sir eh, hindi po namin alam kasi pinadala lang sa amin,” pahayag ng suspek.
Nagpositibo na peke ang mga sigarilyo ni Limjuco matapos magpadala ng certificate ang mga kompanya ng sigarilyo na peke ang mga ibinebenta ng suspek.
Kapansin-pansin rin na ang mga sigarilyo ay may iisang serial number, nagpapakita na peke umano ang mga ito. Ang mga nasabat na pekeng mga sigarilyo ay aabot sa 242 reams at may street value na halos P200,000.
“Nagpabili kami tapos pinadala namin sa kompanya, nagkaroon ng certification yung company na hindi nila product yung binebenta ng taong to,” dagdag ni Police Chief Inspector. Brian Fallurin.
Mahaharap sa kasong paglabag sa sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang suspek na si Limjuco.
Nakakulong na ngayon sa Odiongan Municipal Police Station ang suspek.