Pinagkaloob na nitong Martes, December 04, sa Pawikan Hatchery sa Bunsuran, Ferrol ang kanilang solar-powered modular facility na ibinigay ng Department of Science and Technology-MIMAROPA (DOST-MIMAROPA) sa pakikipagtulungan ng Local Government ng Ferrol, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Provincial Tourism Office.
Ang nasabing solar-powered modular facility ay magiging power house ng mga Bantay-Dagat members ng Ferrol sa pagbabantay sa kanilang karagatan lalo na ang Marine Protected Area ng Sitio Binucot.
Ayon kay Provincial Director Marcelina Servañez ng DOST-PSTC Romblon, nilagyan nila ang solar-powered modular facility ng computer, at printer na magagamit ng mga Bantay Dagat sa kanilang information dissemination kung paano maco-conserve ang mga pawikan.
“Napakahalaga nitong mga pawikan, kasi sila ang nagsasabi kung healthy ang ating environment, kasi kung wala sila ibig sabihin hindi maganda yung environment para kanilang pangitlogan,” pahayag ni Provincial Director Servañez.
Pinasalamatan naman ng mga barangay official ng Barangay Bunsuran ang proyektong ito ng DOST-MIMAROPA dahil ang nasabing facility ay makakatulong sa pangangalaga nila sa mga pawikan at tulong na rin sa mga bantay-dagat sa lugar.
Pinasalataman rin ng DOST-MIMAROPA ang Provincial Government ng Romblon sa pangunguna ni Governor Eduardo Firmalo, at ang Provincial Tourism Office, sa pagtulong para mas madagdagan ang mga gamit na ilalagay sa nasabing facility.
Ayon sa DENR, ang kalimitang nakikitang nangigitlog na pawikan sa Binucot ay ang Green, Olive Ridley, Hawksbill at Leatherback. Noong Mayo umano huling may namonitor ang Bantay-Dagat na pawikang nangitlog sa lugar.