Muling magsasagawa ng mobile passporting ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa bayan ng Odiongan, Romblon sa susunod na buwan, ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Sinabi ni Fabic sa kanyang talumpati nitong nakaraang linggo sa harap ng mga dumalo sa ‘Search for Miss Anahao 2018’, na maari na umanong magpalista para sa mga gustong mag renew o mag-apply ng kanilang passport.
Pwedeng tumungo umano sa Office of the Mayor sa Munisipyo ng Odiongan ang mga gustong magpalista. Ang unang 1,000 katao lamang ang sinabing maaasikaso ng Department of Foreign Affairs kaya inaanyayahan ng alkalde ang lahat na magpalista na ngayon.
Ang proyektong ito ay inisyatibo ng Local Government Unit ng Odiongan at ng Department of Foreign Affairs, at bukas ito hindi lang umano sa mga taga-Odiongan kundi sa lahat ng taga-Romblon.
Ito ay naglalayong mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga tao, makatulong sa mga mamamayan na mapadali ang pagkuha ng pasaporte na hindi na kinakailangang magsadya pa sa tanggapan ng DFA, at makatulong din na makabawas sa gastusin ng mga aplikante sa paroo’t parito sa tanggapan ng DFA.
Ayon sa ulat ng DFA website, ang mga bagong aplikante ay kinakailangang magsumite ng filled-up application form kalakip ang mga kaukulang dokumento gaya ng sertipiko ng kapanganakan (NSO/PSA Authenticated) at dalawang valid identification cards (government IDs, SSS & GSIS ID, Driver’s License, Voter’s ID, OWWA & iDOLE Card. senior citizen id, school id, at PRC ID) bago sumapit ang takdang araw ng mobile passporting.
Para naman sa mga nais mag-renew ng kanilang passport, pinapayuhan na dalhin ang kanilang lumang pasaporte kalakip ang mga kaukulang dokumento gaya ng sertipiko ng kapanganakan (NSO/PSA Authenticated).
Sa mga nawalan ng pasaporte, magsumite lamang ng Notarized Affidavit of Loss at magsumite rin ng mga rekisitos upang muling maiproseso ito.
Para sa kompletong requirements at instruction, bisitahin lamang ang website ng DFA sa (http://consular.dfa.gov.ph/)