Ang Civil Service Commission (CSC) Field Office – Romblon ay nagsimula nang tumanggap ng mga maghahain ng application para sa mga kukuha ng career service examinations pen and paper test (CSE- PPT) para sa susunod na taon.
Simula noong Disyembre 17 hanggang Enero 16, 2019 ang Filing Period para sa March 17, 2019 examinations na gagawin sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ayon kay Seymour R. Pajares, Director II ng CSC Romblon, bukas ang Career Service Examination sa lahat ng Filipino Citizen anuman ang naabot na lebel ng edukasyon, 18 anyos na sa panahon ng filing of application, may magandang asal (good moral character), hindi nahatulan ng “guilty” sa kahit anong kaso o di kaya ay natanggal sa pagiging empleyado ng pamahalaan dahil sa pagiging imoral na Gawain at hindi kumuha ng kaparehong lebel ng eksaminasyon sa loob ng tatlong buwan bago ang nakatakdang petsa ng exam.
Ang sinumang interesado ay maaaring kumuha ng application form (CS Form No. 100-F, Revised November 2012) sa tanggapan ng CSC Field Office sa 4th Floor, Capitol Building, Capaclan, Romblon, Romblon 8:00 a.m. – 5:00 p.m., Lunes-Biyerrnes.
Kinakailangang magdala ang isang aplikante ng mga sumusunod na rekisitos (requirements) kapag sila ay mag-aaplay sa opisina ng CSC: apat na kopya ng magkakamukhang litrato na kinunan sa loob ng tatlong buwan bago ang pag-aaplay, passport size (4.5cm x 3.5cm o 1.78” x 1.38”), colored na may puting background, standard close-up shot, natural na anyo ng mukha at may buong pangalan (nametag) at lagda ng nasa larawan.
Magdala rin ng kopya ng pagkakakilanlan (valid ID) na may malinaw na larawan ng aplikante, nakasaad ang petsa ng kapanganakan, may lagda ng nagmamay-ari nito at may lagda ng authorized head of the issuing agency.
Maaaring ipresenta o gamitin ng aplikante ang kaniyang Driver’s License, SSS ID, GSIS ID, PhilHealth ID, current Company/Office ID, current school ID, Postal ID, BIR ID, Barangay ID, Voter’s ID, valid Passport or Police Clearance. Pwede ring gamitin ang original and photocopy of NSO-issued Birth Certificate or birth certificate authenticated/issued by the Local Civil Registrar.
Ayon pa kay Pajares, kailangang personal na mag- file ng application ang nagnanais mag-exam sa CSC Field Office na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng kapitolyo at magbayad ng P500 na examination fee.
Pinapayuhan din ang mga interesadong indibidwal na agahan ang pagsusumite ng applications dahil ito ay ‘first-come, first-served basis’.
Kapag kasi naabot na ang target na bilang bago pa man ang deadline ng filing, maaaring mas maagang isara ang pagtanggap ng mga applications.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)