Unti-unting nang natutupad ang mga pangarap ng sampung pamilya sa Looc, Romblon sa tulong ng mga literal na talangka.
Ang Blue Crab Fattening Production ng SLP MANHAK Association (Sustainable Livelihood Program – Manggagawang Aktibo na Naglalayong Harapin ang Kinabukasan) ay hinirang na ‘Kampyon’ sa kategoryang Micro-Enterprise sa SLP Bangon Kabuhayan noong nakaraang taon.
Ang naturang grupo ay naitatag sa gabay at suporta ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Field Office MIMAROPA Region.
“Bago nagawa itong project namin, napakahirap talaga ng aming pinagdaanan. Mahirap po pala kapag hindi naniniwala sa’yo ang mga taong nasa paligid mo, yung hihilahin ka pa nila pababa. ‘Yun po ang pinanghawakan ko, sabi ko sa sarili ko na ‘talagang itutuloy ko ito, hindi pwede na magpapatalo kami sa mga sabi-sabi,” ito ang unang mga kataga na sinambit ni Luz E. Soriano, Presidente ng SLP MANHAK Association.
Ang proyektong ito ay nagsimula noong Disyembre 2015 sa Brgy. Manhac, sa bayan ng Looc, Romblon.
Napagdesisyunan ng grupo na pagpapataba ng alimasag ang kanilang gawing proyekto dahil napapaligiran ng karagatan at kabundukan ang kanilang lugar kung saan sagana ito sa yamang dagat.
Naging sandigan ng grupo sa kanilang laban sa kahirapan ang kanilang pamilya at pagbabayanihan upang maisulong ang kanilang proyekto.
Nagtulungan ang mga miyembro ng MANHAK, pati ang kanilang pamilya upang mabuo ang proyekto – simula sa paghahabi ng lambat, pagtatayo ng cage, paghuli at pagpapataba ng alimasag.
“Dahil wala naman po kaming totoong sweldo sa pagtayo nito, pagbabayanihan po ginawa namin para tuloy-tuloy po. ‘Yun pong mga asawa at anak namin, nagtulong-tulong po kami sa pagbubuhat… sa lahat, para matapos po ito,” paliwanag ni Luz Soriano.
Naging katuwang rin nila ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno upang suportahan ang proyekto.
Ang SLP-DSWD ay naglaan ng P525, 741.00 para sa Skills Training at Cash for Building Livelihood Assets (CBLA) para sa pagtatayo ng kanilang ‘Foot Bridge at Bamboo Cottage.
Nagbigay naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST) ng training ukol sa pagnenegosyo at teknolohiya sa pagpapataba ng alimasag.
Sinuportahan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay permit para mag-operate ang asosasyon, nagsagawa ng ‘Food for Work’ ang Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) at nagbigay ng environmental permit ang Local Government Unit (LGU) ng Looc, Romblon upang magamit ng asosasyon ang lugar na pinagtirikan ng kanilang proyekto.
Bukod sa pagbabayanihan, ipinamalas din ng grupo ang ‘Women Empowerment’ kung saan siyam (9) sa 10 miyembro ng SLP MANHAK Association ay kababaihan at higit sa lahat, babae ang kanilang presidente.
Pinatunayan ng asosasyon na hindi basehan ang kasarian upang maging matagumpay sa buhay.
Ang mga kababaihan ng SLP MANHAK Association, katuwang ang kanilang pamilya, ang nagpasan ng mabibigat na trabaho tulad ng paghahabi ng lambat, paggawa ng ‘cage’ ng talangka, pagtatayo ng tulay at pagsisid sa karagatan.
“Kami po talaga ang gumawa ng lahat ng makikita ninyo dito. Kami po ang naglala ng mga net, nagbuhat ng mga kawayan para po mabuo ang aming cage at tulay. Sumisisid din po kami sa karagatan para po manguha ng mga talangka na aming papatabain, pagmamalaking sambit ni Luz Soriano.
Bago aniya natikman ng grupo ang tagumpay, mas masakit pa siguro sa nasipit ng alimasag ang kanilang naranasan.
Ang grupong SLP MANHAK Association (Sustainable Livelihood Program – Manggagawang Aktibo na Naglalayong Harapin ang Kinabukasan) ang itinanghal na ‘Kampyon’ sa kategoryang Micro-Enterprise sa Sustainable Livelihood Program (SLP) – Bangon Kabuhayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Field Office Mimaropa Region.
“Noong hindi pa nagsisimula ang proyekto, sumasakit ang kanilang dibdib na makita ang kanilang pamilya na hikahos sa buhay, hindi sapat ang kanilang kita sa pangingisda sa pang araw-araw na gastusin, hindi sila makabili ng kagamitan sa bahay at higit sa lahat wala silang pantustos sa edukasyon ng mga anak.”, ayon kay Luz E. Soriano, presidente ng SLP MANHAK Association.
“Mahirap po talaga ang buhay namin bago itong proyekto. Kulang pa minsan sa pangkain namin. Tapos napilitan akong patigilin yung anak ko na nag-aaral ng Political Science. Masakit po para sa isang magulang na patigilin ang kanilang mga anak,” madamdaming sagot ni Soriano.
Bukod pa rito, dahil sa hindi naman madaliang makita at makamtan ang bunga ng paghihirap, marami rin sa mga miyembro ng SLP MANHAK Association ang pinanghinaan ng loob sa kalagitnaan ng kanilang proyekto. Kumalas sa knilang asosasyon ang ilan sa kanilang mga miyembro sa pag-aakalang hindi magtatagumpay ang proyekto.
“Marami po ang umalis sa grupo namin dahil nga po wala naman kaming sweldo sa paggawa nito. Simula po 23 miyembro eh 10 na lang po kami. Kami po yung nagtiwala talaga na magiging matagumpay po itong proyekto naming ito. Kahit wala agad kita simula, go pa rin po kami,” paliwanag ni Soriano.
Dahil sa tiwala, bayanihan at gabay ng Maykapal, naging malusog din ang pamumuhay ng mga taga-SLP MANHAK Association tulad ng mga pinataba nilang alimasag.
Kung dati, ang kita ng bawat miyembro ay 0 hanggang P100 sa isang araw, sa ngayon ay kumikita na sila ng P225 kada araw. Para naman sa buong asosasyon, kumikita sila ng P140,00 bawat buwan.
Nakapagpundar na ngayon ang asosasyon ng kanilang sariling ‘motor banca’ at karagdagang ‘fish nets’ na kanilang ginagamit upang higit na mapalawig ang kanilang proyekto.
Ang bawat miyembro nito ay nakabili na rin ng iba’t ibang kagamitan sa bahay gaya ng refrigerator, television, rice cooker at natupad na rin nila ang ilan sa kahilingan ng kanilang pamilya.
Si Gemma Tabayay, miyembro ng SLP MANHAK Association, ay natupad na ang kahilingan ng kanyang mga anak na makapanood ng malinaw sa kanilang telebisyon.
Si Alita Gaito, na miyembo rin ng asosasyon, ay nakapagpagawa ng mas maluwag na bahay para sa kaniyang pamilya dahil naipa-second floor niya ang kanilang tahanan.
Isa rin sa kanilang pinagmamalaki ngayon ay ang kanilang kakayanang makapagpaaral ng mga anak kung saan karamihan sa kanila ay nakapagpatapos na ng kolehiyo.
Malaki rin ang naging kontribusyon ng asosasyon sa pag-unlad ng kanilang komunidad dahil isa na sila sa mga pangunahing taga-supply ng alimasag sa iba’t ibang restaurant sa Looc, Romblon at sa karatig na Munisipyo. Pati mga turista sa Boracay ay nakatikim na rin ng kanilang mga matatabang alimasag.
Higit sa lahat, tumaas na ang kanilang kumpyansa sa sarili. Ang dating mahiyain na si Luz Soriano ay nagsisilbi ng tagapagsalita sa iba’t ibang okasyon upang maibahagi ang kanilang paglalakbay at paghihirap tungo sa masagana at matagumpay na proyekto.
Ang pagiging ‘Utak Talangka’ ay isa sa mga hindi magandang ugali ng mga Pilipino. Ito ang mga taong ayaw na may nakakalamang o nakahihigit sa kanya, kapag nakaka-angat sa buhay ang isang kababayan ay sisiraan niya ito at pinag-iisipan ng masama.
Ito ang unang malupit na naranasan nga mga taga SLP MANHAK Association kung saan pinagdudahan ang kanilang kakayanan at hinihila sila pababa upang hindi magtagumpay.
Sa kabila ng mga karanasang iyon, ang mga taong noo’y humamak sa kanila ang siya na nilang katuwang at katulong sa pag-angat sa buhay sa ngayon.
Dahil sa pagsisikap ng SLP MANHAK Association, sila ngayon ay nagsisilbing inspirasyon sa kanilang komunidad upang huwag mawalan ng pag-asa, magbayanihan at maging positibo upang makakamtan din ang inaasam na tagumpay sa buhay.
Kung dati sila’y may ‘Utak Talangka’ na nanghihigla pababa, ngayon ay meron na silang ‘Utak MANHAK’ na humihila pataas at umaalalay sa tagumpay ng kanilang kapwa.(RRM/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)