Hinikayat ng nag-iisang online media organization sa lalawigang ito na Romblon News Network (RNN) ang ilang kabataan at estudyante sa bayan ng Odiongan na labanan ang ‘Fake News’ na ipinakakalat sa social media.
Sa ginanap na symposium na inorganisa ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation ng Odiongan, ipinaliwanag ni Paul Jaysent Fos, Senior News Correspondent ng RNN na ang fake news ay ang mga balitang kumakalat sa social media na naglalaman ng hindi makakatutohanang balita o kaya’y gusto lang makakapanira ng imahe ng isang tao at organisasyon.
“Pinagkakakitaan ng ilang tao ang pagpapakalat ng fake news dahil bawat click at visit sa kanilang website ay kumikita ng pera, kaya dumami ang gumagawa ng mga may clickbait articles, ang iba naman ay politically motivated.” paliwanag ni Fos.
Hinihimok din ni Fos ang publiko o mga netizens, lalo na ang mga dumalong kabataan sa pagtitipon na i-verify muna sa mga trusted media news outlets ang lahat mga article na makikita nila online bago nila i-share sa kanilang mga Facebook accounts.
“Huwag nating i-share ang mga kumakalat na fake news at kung maaari ay i-report natin para hindi na kumalat pa,” pahayag pa ni Fos.
Sa kaniyang mensahe na pinadala sa RNN, kanyang sinabi na ang media ay biktima lang ng pagkalat ng fake news, kung mamahayag ang nagpakalat ng fake news, may mananagot, pero kung propagandista at pekeng account ang nagpakalat ng Fake News, walang hahabulin’.
Nagpasalamat naman ang SK Municipal Federation President Kaila A. Yap kay Fos dahil sa pagbahagi ng kaalaman nito patungkol sa social media at sa fake news.
Umabot ng 60 na estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Odiongan ang dumalo sa nasabing symposium na ginanap sa Romblon State University Main Campus ngayong Huwebes, November 29, taglay ang temang ‘Journey to Recovery; Youth for Change’.