Nakakuha ng isang prestigious award nitong Lunes ng gabi ang probinsya ng Romblon mula sa enviromental group na The Climate Reality Project Philippines sa ikalawang taon ng Climate Reality Leadership Awards.
Iginawad sa lalawigan ng Romblon ang prestigious na Allen S. Quimpo Climate Leadership for Governance Memorial Award at ito’y tinanggap ni Romblon Governor Eduardo Firmalo at Sangguniang Panlalawigan Member Felix Ylagan.
Sa maikling talumpati ni Firmalo, pinasalamatan nito ang The Climate Reality Project Philippines dahil sa bagong pagkilala sa lalawigan.
“…dahil po dito po ay mai-increase ang awareness at determination ng mga tao para ma-implement ang environmental code, [at] climate change action plan. Sa palagay po namin ay mas magiging malakas ang pag-implement sa mga programa para sa ating environment at climate,” ayon kay Firmalo.
Ang pag-embrace ng Romblon sa renewable energy at pagkakaroon ng Renewable Energy Plants/Farms ang isa sa mga naging basehan para sa The Climate Reality Project Philippines na parangalan ang probinsya.
Ilan rin sa mga nakatanggap ng iba pang award ay ang mga bayan at probinsya ng Ormoc at Sorsogon.
Ang nasabing 2018 Climate Reality Leadership Awards ay ginanap sa National Museum of Natural History of the Philippines.
Ang Climate Reality Project ay binuo ni dating United State Vice-President Al Gore at ikinalat sa buong mundo.