Muling pinaalalahanan ng Cajidiocan Municipal Police Station ang publiko na ipinagbabawal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbibilad ng palay at ano pang agricultural products sa mga national highways.
Ayon sa Revised Philippine Highway Act, sinabi rito na ‘It shall be unlawful for any person to usurp any portion of a right-of-way, to convert any part of any public highway, bridge, wharf or trail to his own private use or to obstruct the same in any manner’.
Posible umanong pagmultahin ng hindi lalagpas sa P1,000 o makulong ng hindi hihigit sa anim na buwan ang mapapatunayang lalabag sa nasabing batas.
Nitong mga nakaraang araw, nag-ikot ang mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station sa bayan ng Cajidiocan para paalalahanan ang publiko lalo na ang mga nakikita nilang laging nagbibilad ng palay sa kalsada na bawal ang kanilang ginagawa.