Nakipagpulong ang National Food Authority (NFA)-Romblon sa mga retailer ng bigas sa isla ng Sibuyan na kinabibilangan ng mga bayan ng Magdiwang, san Fernando at Cajidiocan kaugnay sa pagtatakda ng Suggested Retail Price (SRP) sa bigas alinsunod na rin sa kautusan ni Agriculture Secretary Manny Piñol.
Layon ng pagtatakda ng SRP sa bigas ay upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantalang negosyante na nagpapataw ng labis kaysa sa umiiral na presyo.
Ayon kay NFA Romblon Provincial Manager Romulo O. Aldueza, sa ngayon ay nasa advocacy period campaign muna sila at makikipagpulong pa lang sa mga negosyante dahil mahalagang makausap nila ang mga maapektuhang negosyante bago ipatupad ang pagtatakda ng SRP upang hindi magkaroon ng problema.
Nais aniyang marinig ng NFA ang saloobin ng mga apektadong negosyante lalo’t ngayon pa lamang ay may ilan nang umaangal.
Paliwanag pa ni Aldueza, hindi permanente ang SRP dahil maaari itong gumalaw depende sa pandaigdigang merkado para sa imported rice at umiiral na presyo naman ng palay sa lokal na merkado.
Kaugnay nito bumuo ang naturang tanggapan ng isang consultative monitoring body na siyang regular na susuri sa kasalukuyang umiiral na presyo at magrerekomenda ng kaukulang SRP.
Tiwala ang NFA Romblon na sa pamamagitan ng pagtatakda ng SRP ay makakatulong ito para matugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Nakatakda ring isagawa ng NFA Romblon ang ganitong aktibidad sa isla ng Romblon bukas, Nobyembre 20 at Tablas island sa darating na ika-27 ng Nobyembre 2018.
Ang naturang pagpupulong ay naging daan din upang talakayin ng mga tauhan ng NFA Romblon ang prescribed labeling sa price tags at rice boxes para sa lahat ng accredited outlet nito. Pagkakataon din ito upang maisagawa ang simpleng selebrasyon ng National Rice Awareness Month at hikayatin ang publiko na maging food guardians sa lahat ng oras, huwag magsayang ng kanin at kumain ng masusustansiyang pagkain.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)