Ang mga kababaihan sa Romblon ay mulat ang kaalaman ukol sa R.A. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” dahil sa maigting na kampanya ng grupo ng mga kababaihan dito gaya ng Progressive Women’s League of Romblon (PWLR) at Kalipunan ng Liping Pilipina (Kalipi).
Ang PIA-Romblon ay nagsagawa ng panayam kay Gng. Anita R. Morales kung saan kanyang isa-isang sinagot ang mga katanungan gaya ng sumusunod: Kung may anak kayo ng partner mo at naghiwalay kayo, alam ba ang mga karapatan mo bilang ina? Kung hindi pinahawak sa’yo ng partner mo ng sweldo niya, alam mo ba ang obligasyon niya sa pera para sa’yo? Aware ka ba na may nalalabag kang ka ring karapatan ng partner mong lalaki?
Narito ang kanyang mga naging tugon sa katanungan: “Ang pagkakaalam ko po kung sakaling maghiwalay kami ng asawa ko ay obligasyon nyang suportahan ang mga anak naming at kapag siya ang nagloko, dapat ang mga anak naming menor de edad ay nasa aking poder.”
“Sa usapin naman po ng sweldo ng mister ko, simula ng ikinasal kami ay ibinibigay niyang lahat ng kanyang pera sa akin at kapag may kailangan siyang bilhin ay saka lamang siya nanghihingi. Bilang mag-asawa, yung pera ng asawa ko ay pera ko rin dahil kaming mga babae ang nagba-budget sa loob ng bahay at namamahala sa iba pang gastusin ng pamilya.”
“Wala naman po akong matandaan na nilabag ko ang mga karapatn ng mister ko dahil may respeto ako sa kanya at ganun din naman siya sa akin,” pagtatapos na pahayag ni Morales.
Alam aniya ng mga kananayan sa Romblon ang mga karapatan ng mga kababaihan dahil na rin sa maigting na kampanya ng DSWD, PNP at Women’s Group laban sa karahasan sa kanilang hanay sapagkat madalas na nagsasagawa ang mga ito ng symposium at forum sa mga barangay ukol sa R.A. 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.” (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)