Ipinaalala ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa publiko na magkaiba ang helmet na ginagamit sa motorsiklo at helmet na ginagamit sa bisekleta.
Sa litratong inupload ng Facebook Page ng DTI-Romblon sa social media, sinasabing ang mga helmet na pang-motorsiklo ay tanging ang open face at full face motorcycle helmet lamang, at malayo sa mga itsura ng mga helmet na pam-bisikleta.
Sinabi rin ng DTI-Romblon na tanging ang mga motorcycle helmets lang ang idinadaan sa mandatory product certification, ginagawa para masiguro ang kalidad ng isang produkto.
Kung sakaling hindi pasok sa stardard na kalidad ang mga produktong ibinebenta sa merkado katulad ng helmet, posibleng hindi ito makatulong sa kaligtasan ng rider kung sakaling may mangyaring hindi inaasahang aksidente.
Ang paalala ng DTI ay kasunod ng paghihigpit ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, Land Transportation Office – Romblon, at HIghway Patrol Group sa pagsusuot ng helmet ng mga rider kapag nasa bayan ng Odiongan.