Matagumpay na ginunita ang World Toilet Day sa bayan ng San Agustin sa pangunguna ng Department of Health (DOH) – Mimaropa at pakikipagtulungan ng Philippine Information Agency at Rural Health Unit, taglay ang temang “When Nature Calls.”
Layunin ng kampanyang ito ng DOH na maipabatid sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kasilyas o palikuran sa sariling tahanan.
Ang isang araw na pagdiriwang ay kinatampukan ng float parade, paligsahan sa pagsayaw (street dancing) sa saliw ng jingle na ‘Hello Healthy, Goodbye Dumi!’ at maikling dula (skit) na ginanap sa covered auditorium ng San Agustin kung saan masayang nakiisa ang nasa 200 kalahok mula sa 15 barangay ng naturang munisipyo.
Sa talumpati ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona, kanyang pinasalamatan ang DOH Mimaropa sa pagpili sa bayan ng San Agustin upang pagdausan ng World Toilet Day.
Ayon sa alkalde, ang bayan ng San Agustin ay mayroong 5,400 na kabahayan kung saan nasa 1,400 o katumbas ng pitong porsiyento sa mga ito ang wala pang palikuran, kaya balak ng lokal na pamahalaan na mamigay ng libreng toilet bowl o kung kinakailangan ay sila na mismo magpagawa ng kasilyas upang wala nang dudumi sa tabing-ilog, sapa at kung saan saan lang.
Ayon kay Engr. Nilette Fidel, Sanitary Engineer, Center for Health Development-DOH Mimaropa, na maraming sakit ang nakukuha sa maduming kapaligiran, partikular sa mga walang palikuran dahil ang mga langaw aniya na dumadapo sa dumi ng tao ay nagdadala ng mikrobyo.
“Mas marami pa ang mga taong may celfon kaysa sa toilet sa iba’t ibang panig ng bansa,” pabirong sabi ni Engr. Fidel.
Umaapela ito sa publiko na mas unahin sana ang pagtatayo ng kasilyas kaysa pagbili ng cellular phone para mapangalagaan ang miyembro pamilya at maging ang komunidad.
Nagpapasalamat din si Dr. Deogracias S. Muleta, Municipal Health Officer ng Rural Health Unit-San Agustin sa inisyatibong ito ng DOH dahil mas nabuksan ang kamalayan ng mga taga-San Agustin kung gaano kahalaga sa pamamahay ang palikuran upang mapangalagaan ang kalusugan ng kanyang mga kababayan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)