Nagsagawa ng malawakang Public Consultation ang Department of Energy (DOE) kaagapay ang Provincial Planning Development Office (PPDO), Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) para sa Energy Development Plan ng buong probinsiya ng Romblon sa taong 2018-2040.
Ang Romblon Energy Development Plan Consultative Conference ay pinangunahan ngayong araw ng Energy Policy and Planning Bureau ng DOE na magkasunod na isinagawa sa Sato Dizon Hotel, Odiongan para sa coverage area ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) Inc. at Magnificat Center, Brgy. Lonos, Romblon para sa area coverage ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc.
Ang naturang public consultation ng mga stakeholders na kinabibilangan ng mga opisyales ng TIELCO, ROMELCO, mga pinuno ng national government agencies, mga halal na opisyal ng LGUs, mga may-ari ng mga malalaking establisyemento, marble plant operators, Multi-Sectoral Electrification Advisory Council (MSEAC) nito, Barangay Electric Consumers Association(BECA) at Member Consumers Organization (MCO).
Ang pagtitipon ay nagsilbing konsultasyon, pagbibigay impormasyon at edukasyon, magandang komunikasyon na magbubuklod upang mapaghandaan ang kinakailangang enerhiya ng buong probinsya ng Romblon sa hinaharap.
Maayos na tinalakay ni Michael O. Sinocruz, Chief, Planning Division, Energy Policy and Planning Board ng DOE ang kasalukuyang kalagayan ng suplay sa buong Romblon at kung ano ang kinakailangang gawin ng mga line agencies na nagpapatupad ng mga proyekto at programang pang-enerhiya upang matugunan ang tumataas na demand ng kuryente sa lalawigan.
Tinalakay rin nito sa mga dumalo ang usapin ukol sa pagtatatag ng Energy Investment Coordinating Council sa lalawigan ng Romblon.
Sa huling bahagi ng pagtitipon ay nagkaroon ng open forum kung saan isa-isang sinagot ng mga kinatawan ng DOE, National Electrification Administration, National Power Corporation, mga pinuno ng TIELCO at ROMELCO ang mga katanungan ng stakeholders hinggil sa kahandaan nito sa kinakailangang suplay ng kuryente sa hinaharap.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)