Muling nasungkit ng LGU San Agustin ang Department of Health (DOH) – Red Orchid Hall of Fame Awardee ngayong 2018 dahil sa pagiging Smoke-free Municipality nito na batay sa kategoryang 100 porsiyentong World Health Organization (WHO MPOWER).
Ang karangalang natanggap ng naturang bayan ay gantimpala sa kanilang maigting na kampanya laban sa paninigarilyo upang pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Ang prestihiyosong parangal ng Department of Health (DOH) na National Red Orchid Awards ay aktibong sinalihan ng iba’t-ibang ahensiya, mga ospital at mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng batas laban sa paninigarilyo.
Ang naturang bayan ay muling nabigyan ng pagkilala dahil sa malawakan at masigasig na kampanya nito laban sa paninigarilyo lalo na sa mga pampublikong lugar bilang pagsunod sa Republic Act 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003) at maigting na pagpapatupad ng ordinansa na may kaugnayan sa paninigarilyo upang maging Smoke-Free Municipality.
Ang bayan din ng San Agustin ay nakasunod sa anim na components ng MPOWER na naging batayan ng mga hurado para mabigyan ito ng mataas na grado.
Ang anim na WHO components ay ang mga sumusunod: Monitor tobacco use and prevention policies, Protect people from tobacco smoke, Offer help to quit tobacco use, Warn about the dangers of tobacco, Enforce bans on tobacco advertising, promotion and sponsorship at Raise taxes on tobacco.
Ang maigting na pagpapatupad ng batas laban sa paninigarilyo sa nabanggit na bayan ay naglalayong maprotektahan ang mga mamamayan laban sa mga sakit na dulot ng usok ng sigarilyo na siyang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng hika, cancer sa baga at iba pang nakamamatay na sakit.
Personal na dumalo sa awarding ceremony na gianap sa Luxent Hotel, Timog Avenue sa Lungsod ng Quezon sina Romblon Congressman Emmanuel F. Madrona, Mayor Esteban Santiago F. Madrona, Vice Mayor Zaldy Marin, Dr. Deogracias S. Muleta at mga Sangguniang Bayan Members kung saan masayang tinanggap ng mga ito ang plake ng pagkilala at P500,000 cash na magagamit ng LGU San Agustin upang patuloy na isulong ang programang pangkalusugan.
Iniaalay naman ng pamahalaang bayan ng San Agustin ang karangalang natamo sa 15 barangays na kanilang nasasakupan, mga ahensiya at mga taong naging katuwang nila sa kanilang adbokasiya laban sa paninigarilyo.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)