Wagi ng aabot sa £50,000 grand prize ang isang 23-anyos na Filipino sa ‘Cities for our Future’ competition na ginanap sa London dahil sa ginawa nitong disenyo ng bahay na yari sa kawayan o bamboo.
Ginawang inspirasyon ni Earl Forlales, isang graduate ng Chemistry at Material Science Engineering sa Ateneo de Manila University, ang bahay kubo ng kanyang Lolo sa probinsya ng Bulacan.
Ang kompetisyon ay ginawa ng Royal Institute of Chartered Surveyors (Rics) sa United Kingdom upang makahanap ng ligtas, malinis, at komportableng pabahay na magagamit ng susunod na henerasyon.
Napabilib ni Forlales ang mga judge, kabilang na si John Hughes, head judge at presidente ng Rics, dahil sa disenyo nitong bahay na tinawag na Cubo.
Mura lang ang mga materyales na ginamit dahil karamihan ay mga kawayan at kayang itayo sa loob lamang ng apat na oras.
Tinalo ni Forlales ang 1,200 pang kalahok sa kompetisyon sa buong mundo. Iuuwi niya ang £50,000 premyo o katumbas na P3.5 milyon. (Abante)