Aabot sa mahigit 60 na traffic violators sa Odiongan, Romblon ang nabigyan ng ticket at pinagmulta ng pinagsamang pwersa ng Odiongan Municipal Police Station at PNP-Highway Patrol Group nitong unang dalawang araw ng istriktong pagpapatupad ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Ayon kay Police Supt. Raquel Martinez, OIC ng Odiongan Municipal Police Station, naging maayos ang unang dalawang araw ng kanilang pagpapatupad ng ‘no helmet no driving policy’, ‘no driving for minors/without license’ at ang pagbabawal sa mga open mufflers, sa kalsada ng Odiongan.
“Kahapon, may nahuli kaming 35 noong umaga, tapos sinundan pa ng hapon at noong pagkagabi. Tapos ngayong araw, may nga nahuli ulit kami,” pahayag ni Martinez ng makausap ng Romblon News Network.
Sinabi ni Martinez na magpapatuloy ang araw-araw ang kanilang paglalagay ng checkpoints sa mga kalsada sa bayan ng Odiongan para masita at matikitan ang mga lalabag sa mga batas trapiko.
Paalala ng Odiongan Municipal Police Station sa publiko na sundin nalang ang mga batas trapiko para makaiwas sa huli, at dagdag na rin umano sa ‘safety’ ng mga motorista.