Apatnapu’t apat na persons with disabilities (PWD) sa bayan ng Romblon ang nakatanggap ng Educational Assistance mula sa DSWD sa pangunguna ni Maricel dela Vega, PWD Regional focal person ng DSWD Mimaropa.
Ang bawat PWD na naka-enrol sa elementary at high school ay nakatanggap ng tig-P2,000 upang kanilang magamit sa pag-aaral partikular sa pagbili ng gamit pang-eskwela, uniporme, baon at pamasahe sa pagpasok araw-araw sa paaralan.
Ang pamamahagi ng ayuda sa PWDs ay ginanap sa Senior Citizens Building Brgy. Capaclan, Romblon, Romblon sa pakikipagtulungan nina Rodais Gabute, Social Welfare and Development at Ma. Lourdes M. Fajarda, Municipal Social Welfare and Development Officer ng LGU Romblon.
Ayon kay dela Vega, ang edukasyon ang isa sa mga prayoridad ng pamahalaan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang may kapansanan na makapag-aral at makapagtapos upang maiangat ang kanilang pamumuhay.
Umapela rin ang pamunuan ng DSWD Romblon sa mga estudyanteng PWD na mag-aral nang mabuti upang magkaroon ng maayos at maunlad na pamumuhay.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)