Sa usapang pulitika sa ngayon, mapapansin natin na kalakip na nito ang ‘trolls’ at ‘fake news’. Oo nga naman, minsan ay napatunayan na epektibo ito para manalo ang isang pulitiko sa election. Sa kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas at sa buong kamulatan ko, itong 2016 national and presidential elections lang naglipana itong mga fake news at mga trolls at tagapagpakalat ng mga fake news at fake memes. Kopyang-kopya ang estorya sa pelikulang – ‘Our Brand is Crisis’.
Dati tuwing may elections, hindi naman ganito ang kalakaran sa social media simula sa panahong nauso rin ang social media katulad ng Facebook, Twiter, at iba pa. Pero ngayon, talaga nga naman, kahit mga musmos na bata ay ginagamit na. Tapos na ang election pero ang pakiramdam e election pa rin, imbis tuloy na nagkakaisa na ang mga mamamayan e, patuloy na nagkakahati-hati.
Samantala, sa pulitika naman kaya sa Romblon ay magiging epektibo rin ito?
Hindi pa officially nagsisimula ang kampanya, pero marami na tayong mababasa sa social media na kung ano-anong issues na ipinupukol upang siraan ang partikular o mga kandidato.
Noon pa man ay pansin ko na rin na kapag malapit na ang election, may mga magsusulputang tabloids sa lalawigan, o kaya may bagong lalabas na programa sa radyo, na wala namang ibang topiko kundi tungkol sa pulitika, pagpuri sa sinusuportahang kandidato at paninira naman sa kalaban.
Sabagay, ang sabi nga, ganyan talaga ang pulitika. Oo naman, nauunawaan natin yan, pero ang gayahin ang stratehiya ng fake news, fake memes at ‘our brand is crisis’ bagamat maaari nga na maging epektibo pa rin ito kahit sa probinsya e, maituturing na stratehiya ng isang kurakot na pulitiko.
Ang lagay e, tayo bang mga Romblomanon ay magiging bulag na botante, walang sintido-komon upang kilatisin ang tama sa mali, and totoo sa kasinungalingan, ang mabuti sa masama?
Tandaan po nating mga botante na sa ating mga sagradong boto nakasalalay ang mga mananalong lider sa ating lalawigan, na sa kanila din nakasalalay ang pangunguna sa pag-asenso ng ating lalawigan.